Loisa Andalio: Wag basta magtitiwala, at wag susuko sa laban
“HUWAG basta magtitiwala agad, pero hindi masamang maging mabuti sa kapwa.”
‘Yan ang natutunan ng Kapa-milya young actress na si Loisa Andalio sa kinasangkutang kontrobersiya nitong mga nakaraang buwan. Aniya, nang dahil sa nasabing iskandalo ay natuto siyang maging mas matatag at matapang.
“Kumbaga, kahit anong pagsubok yung dumaan sa ‘yo, huwag kang susuko. Kumbaga, lahat ng nangyayari dapat may lesson. Kasi kung walang lesson, wala lang yun,” ang pahayag ng dalaga sa nakaraang episode ng Tonight With Boy Abunda.
Walang direktang pagtukoy sa nasabing interview kung ano ang kontrobersiyang kinasangkutan ni Loisa pero naniniwala ang mga manonood na ito ‘yung tungkol sa umano’y nag-viral na “private video” ng dalaga.
Ayon kay Loisa, ang madali niyang pagtitiwala sa tao ang naging mitsa kung bakit siya napahamak.
“Kumbaga, sa akin din, na huwag ding magtiwala agad basta-basta sa mga taong nakapaligid. Ako po kasi, parang magkita lang tayo isang beses, parang napakagaan na agad ng loob ko, or parang sobrang kaibigan na talaga kita.
“Parang ganu’n po yun lang yung mahirap sa akin. Pero natutunan ko din na, ayun, huwag magtitiwala agad basta-basta, pero hindi masamang maging mabuti sa kapwa,” paliwanag pa ng dalaga.
Sa tanong kung sino ang mga kinapitan niya noong kasagsagan ng nasabing issue, “Sa family ko po talaga. Sila talaga yung nandiyan sa akin. At sa mga kaibigan ko, kay Ronnie (Alonte). At sa mga sumusuporta sa akin.”
“Hindi ka talaga iiwan ng family, kahit ano pang mangyari sa ‘yo. Kahit na ikaw na yung masama, ikaw na yung ano, nandiyan sila,” pagtatapos ng dalaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.