Willie sa isyu ng vote buying: May humingi ng pambili ng gamot, masama bang bigyan ko?
NAKALADKAD ang pangalan ni Willie Revillame sa vote buying complaint na ihinain sa COMELEC ng talunang kandidatong mayor ng Quezon City.
Ayon sa kampo ni G. Bingbong Crisologo, na tinalo nang milya-milya ni Mayor-elect Joy Belmonte, ay namili raw ng boto ang sikat na TV host nu’ng nakaraang kampanya ng panalong mayor ng Kyusi.
Vote buying? Sa loob lang nang wala pang dalawang oras na pananatili sa entablado ni Willie Revillame nu’ng kampanya ni Mayor Joy Belmonte?
Naipaliwanag na ni Willie nu’n pa man ang kanyang ginawa nang suportahan niya ang kandidatura ni Mayor Joy. Hindi pera ni mayora at ng kanyang partido ang maliit lang namang halagang i-pinamahagi ni Willie sa mga nangangailangan nu’ng gabing ‘yun.
“May humingi sa akin ng pambili ng gamot, nagbigay ako. Parang sa Wowowin lang ang ginawa ko, wala nga lang kami sa studio. Ano naman ang mali at masama sa ginawa ko, e, talaga namang ganito na ako?
“Wala akong hininging boto sa mga inabutan ko ng tulong, mula sa puso ang ginawa ko, nasaan ang vote buying du’n?” paliwanag ng sikat na aktor-TV host.
Tapos na ang laban. Ang mahigit na isandaang libong botong nakuha ni Mayor-elect Joy Belmonte laban kay Crisologo ay suntok sa buwan na lang na kuwestiyunin pa.
Hindi isa, sampu, isandaan o limang daang boto lang ang kalamangan sa pulitiko ng sinuportahan ni Willie, mahigit na isandaang libong boto ng pagsang-ayon kay Mayora Joy Belmonte ang pinag-uusapang numero sa usapin, maghabol man sa tambol mayor ang nag-rereklamong pulitiko ay wala na itong magagawa.
Alam na alam ni Willie Revillame na bawal ang vote buying. Pero ang pagbibigay ng tulong sa isang kababayan nating walang maipambili ng gamot ng maysakit nitong asawa, kailanman, ay hindi maituturing na krimen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.