Benjamin mas tumaas pa ang respeto sa mga OFW; inabuso nang todo sa ‘Dahil sa Pag-ibig’
MATINDING kaba ang naramdaman ni Benjamin Alves nang mapanood ang full trailer ng bagi niyang teleserye sa GMA, ang Dahil Sa Pag-Ibig kung saan first time silang magtatambal ni Sanya Lopez.
In fairness, napaka-intense naman kasi ng mga eksenang ipinakita sa nakaraang mediacon ng serye kung saan makakasama rin sina Winwyn Marquez at Pancho Magno na siya namang gaganap na mga kontrabida sa kuwento.
“Ngayon ko lang nakita ’yung trailer at ngayon lang ako kinabahan sa AVP. Para akong pinagpapawisan at kinakabahan, grabe pala yung mga eksenang nauna na naming nagawa,” sabi ng Kapuso hunk.
Gaganap si Benjamin bilang si Eldon Corpuz, isang OFW na mapipilitang mag-abroad para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya pero kabaligtaran pala ang naghihintay na kapalaran sa kanya.
Hindi biro ang ginawang paghahanda ni Benj para sa kanyang role sa DSP, nag-focus daw siya sa kanyang mental and emotional preparedness para sa mga intense scene.
“Mahirap talaga. Thankfully, hindi pa naman nangyayari sa akin ‘yung nangyari kay Eldon, ‘yung naaapi ka, the feeling of helplessness na wala kang magawa at sobrang surrender ka na.
“Isa na rito ‘yung nasa desert kami at sumampa ‘yung isang extra sa likod ko. I never had a guy behind me and sitting on me. Talagang sinabi ko, ‘Direk Ricky (Davao)! Parang nanghihina ako.’
“Cause literally the guy stood on top of me and pressed. And ako talaga nabigla,” kuwento ng aktor.
Bukod dito, nag-research din siya about PTSD o Post Traumatic Stress Disorder para mas maging makatotohanan ang kanyang mga eksena.
“Ni-research ko talaga ‘yung PTSD. Siyempre na-rape ka at hindi na mawawala sa iyo ‘yung alaalang iyon. Habang buhay mo nang kakargahin ‘yun at talagang may magti-trigger du’n sa iyo.
“Sana po ‘yung mga makakapanood makita na sinusubukan lang ni Eldon gawin ‘yung pinakatama at the best of his knowledge na feel niya na ito ‘yung way para maayos ito.
“Kahit hindi tama sa viewers’ eyes o hindi siya mako-conclude ng maayos, susubukan niyang itama ‘yung mali niya,” pahayag pa ng binata. Dagdag pa niya mas tumaas pa ang respeto at paghanga niya ngayon sa mga OFW dahil sa seryeng ito.
Magsisimula na ang Dahil Sa Pag-Ibig ngayong Lunes sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Bihag. Kasama rin dito sina Tetchie Agbayani, Sandy Andolong, Devon Seron at marami pang iba sa direksyon ni Ricky Davao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.