Ai Ai sumuko na sa Ex-Battalion, ilang beses umiyak: Walang respeto, ayoko na ng stress!
WINAKASAN na ni Ai Ai delas Alas ang sakit ng ulo, stress, pag-iyak at kawalan ng respeto sa kanya ng alaga niyang rap group na Ex Battalion.
Binitiwan na niya ang grupo kahit may ilang buwan pang natitira sa pinirmahan nilang kontrata.
Kuwento ng Comedy Queen sa loob ng 14 na buwan, ilang beses siyang pinaiyak ng Ex Battalion dahil sa unprofessionalism ng mga miyembro nito, kabilang na ang hindi pagsipot sa mga tinanggap na commitment, pagtanggap ng mga show na hindi alam ni Ai Ai, at ang pakikipag-away.
“Magku-quit, aalis, magli-leave, bibitaw, lalayo! Lahat ng verb, lahat ng noun, lahat ng adjectives. ‘Yun po ang dahilan kung bakit lahat tayo ay nandito.
“Bakit? Ahhh, sabi nga nila, honesty is the best policy at saka truth will set us free.
“Hindi ko na kaya ‘yung stress. Hindi ko na kaya ‘yung mga ginagawa nila. Ayaw ko nang malaman in case na may gagawin sila ulit na hindi maganda sa career nila kaya magku-quit na lang ako. Ayoko ng stress sa buhay ko,” mahabang rason ng Comedy Queen sa pinatawag na pocket interview.
Grabe na raw ang kawalan ng respeto sa kanya ng Ex B kaya nasasaktan siya. Nasasayang lang ang pagturing niya sa grupo na parang tunay na niyang mga anak.
“Minsan walang respeto sa akin. Hindi nila ako sinusunod, hindi na nila ako pinakikinggan,” lahad ni Ms. Ai.
May isang event na iniyakan ni Ai Ai pati na ng producer at road manager nila.
“Sa Ilocos ba o Abra ‘yung event nila. ‘Yung isa, bibili raw ng costume, magpapakulay ng buhok, naiwan ng flight,‘yung isa, ayaw gumising at ‘yung isa, hindi raw makakanta. So tatlo na lang ang natira.
“Umiyak ‘yung producer umiyak na rin ako. Hiyang-hiya ako. Anong sasabihin ko? Buti may isang show pa kinabukasan at ‘yung tatlo ang dumating, ‘yung naiwan.
“Maraming insidente na hindi sila sumisipot at ako ang nagto-trouble shoot. So nahihiya na rin ako sa mga taong naooohan ko tapos, biglang ayaw na nila.
“Ang last straw eh dapat kasama sila sa meeting nila ni Bong Go. Umoo sila sa akin. Tapos last minute, ayaw na nila kasi kulang na naman! Ayaw na nilang kumanta kasi nagwala ang isa sa chat.
“So ano ang gagawin ko? Umiyak na lang ako!” bulalas pa ni Ai Ai.
Na-stress man siya bilang manager ng grupo, “At least, nakatulong ako sa kanila!” diin ng Comedy Queen na wala na talagang planong i-manage ang pasaway na Ex Batallion.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.