HAWAK na ng pulisya ang dalawa sa mga umano’y nang-agaw at nanunog ng mga vote counting machine (VCM) at aabot sa 200 balota sa Jones, Isabela, kahapon.
Naaresto ang mga suspek na sina Rodel Pascual, 34, at Jayson Leaño, 27, Martes ng gabi at Miyerkules ng umaga, ayon kay Lt. Col. Chevalier Iringan, tagapagsalita ng Cagayan Valley regional police.
Unang nadakip si Pascual sa Brgy. Diarao, Jones, dakong alas-10:30 ng gabi, habang si Leaño ay isinuko ng barangay officials ng Brgy. Sta. Isabel, alas-10 ng umaga.
Positibong kinilala ng mga saksi sina Pascual at Leaño bilang mga suspek, ani Iringan.
Matatandaan na hinarang ng mga armado ang isang grupo ng board of election inspectors na maghahatid sana ng dalawang VCM at aabot sa 200 balota sa munisipyo ng Jones?, bago inagaw at sinunog ang mga naturang election paraphernalia.
Nakatakdang ipagharap ng kaso ang mga suspek, habang inaalam pa kung may kinaaniban silang grupo at kung sino pa ang kanilang mga kasama, ani Iringan. (John Roson)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.