Bitay na patiwarik sa mga Ampatuan; Pimentel me pagka-disenteng bastos; atbp.
“Target ni Tulfo” ni Mon Tulfo
BINITAY si Ali Hassan al-Majid sa Iraq dahil sa diumano’y pag-utos niya sa patayin ang 5,000 katao sa Kurdish Village sa pamamagitan ng poison gas.
Iyon ang pinakagrabeng paggamit ng chemical weapon sa mga sibilyan sa lahat ng panahon.
Si Al-Majid ay isa sa mga tauhan at pinsan ni Saddam Hussein, ang dating lider ng Iraq na napatalsik ng mga Kano.
Binitay din si Saddam dahil sa kanyang mga kasalanan sa taumbayan sa Iraq.
Bitay din ang dapat igawad sa mga halimaw na pumatay ng 57 katao sa Maguindanao, kabilang ang 30 journalists.
Hindi bagay ang lethal injection sa mga Ampatuan at kanilang mga tauhan kapag sila’y napatunayang nagkasala.
Makatao raw ang lethal injection di gaya ng ibang parusa sa mga kondenadong pusakal.
Makatao ba ang ginawa ng mga Ampatuan sa mga taong walang laban nang kanilang pagpapatayin?
Dapat sa mga Ampatuan ay bitayin ng patiwarik at pugutan ng ulo upang mabigyan ng hustisya ang mga taong kanilang pinatay ng walang awa.
Ganoon din dapat gawin sa mga Abu Sayyaf na walang awang kumatay ng mga inosenteng tao.
Ang parusa na dapat igawad sa mga Abu Sayyaf at sa mga Ampatuan ay huwag silang ilibing at i-donate ang kanilang bangkay sa medical schools.
O kaya gilingin ang kanilang katawan at ihalo sa kaning baboy.
Pero kawawa naman ang baboy.
* * *
Ipinakita ang retrato ng Pangulong Gloria sa isang peryodiko na pulang-pula ang kaliwang mata dahil may sore eyes.
Dapat ay hindi na inilabas ang retrato dahil nagmukhang bampira tuloy ang ating mahal na Pangulo.
Kulang na lang sa kanya ay pangil.
Huwag naman ganoon!
* * *
Nagalit na naman si Sen. Miriam Defensor Santiago sa Senado at nag-walk out ito.
Nainsulto raw si Miriam dahil pinigilan daw siya ni Senate President Juan Ponce Enrile magsalita sa committee report sa C-5 road project na kinasasangkutan diumano ni Sen. Manny Villar.
Yan ang gustong-gusto ng taumbayan kay Miriam: magaling siyang mag-aliw sa kanila.
Napapagaan ni Miriam dahil sa kanyang mga antics ang seryosong usapin sa Mataas na Kapulungan.
* * *
Salitang kalye ang mga binitiwan ni Sen. Aquilino Pimentel sa kanyang mga kapwa senador sa hearing tungkol sa C-5 road controversy.
Puro malaswa ang mga pahiwatig ng senador sa Mindanao kina Sen. Mar Roxas at Sen. Jamby Madrigal na kanyang nakatunggali sa Senate floor.
Puro tungkol sa sex.
May pagka-disenteng bastos ang senador na taga-Mindanao.
* * *
Inakusahan ni Senate President Enrile si Senador Villar ng tangkang pagsuhol sa kanya upang maging paborable kay Villar.
Parang hindi kapani-paniwala si Enrile.
Natatandaan pa ba ninyo noong inamin ni Enrile na nagsinungaling siya tungkol sa pag-ambush sa kanyang convoy upang ma-justify ang deklarasyon ng martial law noong 1972?
Anong malay mo kung gumagawa na naman si Enrile ng istorya.
* * *
Walang sumali sa public bidding sa tirahan ng dating Pangulong Erap na tinaguriang “Boracay mansion.”
Pina-bid ng Sandiganbayan ang mansion kung saan tumira ang kanyang kalaguyo na dating starlet na si Laarni Enriquez.
Walang gustong bumili sa mansion na binigyang halaga na P143 million.
Sino naman ang estupidong bibili ng nabubulok na gusaling napakamahal?
Sa panahon ng tagtuyot walang bumibili ng mamahaling mga bagay.
BANDERA, 012810
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.