Magnolia Hotshots tutumbukin ang 3-1 Finals lead
Laro Miyerkules (Mayo 8)
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs Magnolia
(Game 4, best-of-7 championship series)
MASUNGKIT ang krusyal na ikatlong panalo ang puntirya ng Magnolia Hotshots kontra defending champion San Miguel Beermen sa Game Four ng kanilang 2019 PBA Philippine Cup best-of-seven championship series Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Habol ng Hotshots na mahablot ang 3-1 bentahe sa kanilang alas-7 ng gabi na laro laban sa Beermen na hangad na itabla ang kanilang serye sa tigalawang panalo para mapanatili ang tsansang maidepensa ang korona at mauwi ang ikalimang sunod na all-Filipino conference title.
Kumpiyansa naman si Magnolia coach Chito Victolero na mauulit ng Hotshots ang nagawa nito sa Game Three kung saan nagawa nilang bumangon mula sa 11-puntos na pagkakaiwan para makuha ang 2-1 series lead kontra Beermen.
Nakuha ng Hotshots ang 2-1 Finals lead matapos talunin sa Game Three ang Beermen, 86-82, noong Linggo ng gabi.
Aasahan naman muli ng Hotshots sina Mark Barroca, Raffy Reavis, Ian Sangalang, Paul Lee at Jio Jalalon para magwagi sa Game Three.
Sasandalan naman ni San Miguel Beer coach Leo Austria sina five-time season MVP June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter at Christian Standhardinger para ihatid ang Beermen sa ikalawang panalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.