Hudas uso sa araw ng halalan | Bandera

Hudas uso sa araw ng halalan

Leifbilly Begas |May 08,2019
facebook
share this

Hudas uso sa araw ng halalan

Leifbilly Begas - May 08, 2019 - 12:15 AM

TAPOS na ang Semana Santa pero sa Lunes ay mauuso na naman si Hudas.
Sa Mayo 13, iboboto ng sambayanang Pilipino ang 12 senador kasabay ng kanilang pagpili sa mga uupo sa kani-kanilang lokal na pamahalaan sa Hulyo.
Ang mga magkakakampi na kandidato sa pagkasenador ay tiyak na magka-kanya kanya ng diskarte upang manalo at maungasan ang ibang kandidato kahit pa ang mga kasama sa entablado.
Ang tiyak na magigitgitan ay ang mga senatorial bet na wala sa top 6 base sa mga survey.
Ang bawat boto ay magiging halaga dahil ang kahit isang boto ang lamang mo, pwede kang manalo.
Kaya kung mayroon kang balwarte ang gusto mo ay masiguro na number 1 ka roon at malayo ang makukuha mong boto sa iba pang senatorial bets. Dapat lumamang ka ng malaki para tumaas ang tiyansa mo na makapasok sa 12 mananalo.
Hindi ka rin naman sure kung totoo ang sinasabi ng mga kasama mo sa stage na dadalhin ka nila. Magkakaalaman na lang kung sino ang sinungaling sa hindi kapag lumabas na ang resulta ng botohan.
Kung hindi ka nga naman sure na dadalhin ka, bakit naman bubuhusan mo sila ng boto? Paano kung ang ibinigay mong boto sa iba, ‘yun ang maging kalamangan nila sa iyo, e di natalo ka pa. Kaya ang solusyon ng iba, solohin ang boto sa balwarte.
Kahit naman kasi magkakasama ang mga senatorial candidate sa entablado, ang reyalidad sila ay magkakalaban.
Hindi naman team competition ang senatorial elections na parang basketball na ang puntos ng isa ay score ng team. Ito ay indibidwal na laban. Paramihan ng boto. Ang top 12 ang uupo saan mang partido o grupo galing ‘yan. Kanya-kanyang salba.
***
May isang nagbigay ng payo sa mga botante. Tanggapin ang pera ng mga kandidato pero iboto kung sino ang dapat na nasa puwesto.
Wala namang kasing botante na nakulong dahil hindi ang nagbigay ng pera sa kanya ang kanyang ibinoto. Oo nga naman.
Hindi naman din pwede pumunta sa pulis ang isang tao para magreklamo dahil hindi ibinoto ng binayaran niyang botante ang kanyang kandidato.
Pero teka, botante ka ba?
O baka nakaboto ka noong nakaraang taon (barangay elections) pero ngayon ay wala na ang pangalan mo sa listahan. Uso din daw ang nawawala ‘yung listahan ng mga botante sa lugar kung saan hindi mananalo ang partikular na kandidato.
Kung wala ang listahan at hindi makakaboto ang botante ng kalaban, mas mataas ang chance na manalo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending