Walang kapatid-kapatid

By Dennis Eroa May 01,2019
share this

Walang kapatid-kapatid

By Dennis Eroa May 01,2019
share this

BINABABATI ko ang San Juan Knights-Go for Gold na nagpakita ng tatag ng loob at walang katulad na determinasyon upang talunin ang home team Davao Occidental Tigers sa Game Five noong isang linggo at iuwi ang pambansang korona ng MPBL.
Noon pa man ay bilib na ako kay San Juan coach Randy Alcantara na nakasama ko ng matagal habang naglalaro sa dating Philippine Basketball League at maging bilang coach ng Mapua juniors sa NCAA.
Tahimik lang si Randy at ang kanyang panalo ay tila ba may ipinahihiwatig.
Ang mga nagtatagumpay na mga bench strategists ay yaong mga tahimik, hindi mainitin ang ulo—silent but deadly, ika nga. They let their action do the talking.
Nabanggit ko ito sapagkat kapanapanabik din ang bakbakan sa PBA Philippine Cup best-of-seven Finals sa pagitan ng San Miguel Beer at Magnolia Hotshots.
Sister teams ang dalawang magkatunggali ngunit huwag magkamali, wala pong “kapatid-kapatid” dito.
Hindi na bago kay SMB coach Leo Austria ang umukit ng kasaysayan ngunit alam kong alam ni kabayan Leo na ‘‘dangerous foe’’ ang Hotshots na sa ilalim ni coach Chito Victolero ay lalong tumibay ang depensa at lumakas ang loob ng mga Hotshots.
Obvious na hindi naniniwala ang dalawang ex-pro coaches sa superstar system. Mahusay silang magbalasa ng manpower at huwag magulat kung tulad ng mga madyikero ay may mga hugutin silang manlalarong hindi naman talaga nagpakitang-gilas noong eliminasyon at playoffs. Tiyak na may mga role players na sisisikat at maninindak sa best-of-seven title series.
Huwag ring asahan na magiging kasing-init ng panahon ang ugali ng dalawang coach. Siyempre may pagkakataon na magpapahayag ng galit ang dalawang ito (tao lang po sila at hindi perpekto) ngunit hindi nawawala ang kanilang pokus na pigain ang lakas at talent ng kanilang mga manlalaro upang makuha ang tagumpay.
Dahil kay June Mar Fajardo ay napakataas ng bundok na kailangang akyatin ng Magnolia upang patalsikin ang Beermen na hangad makuha ang five-peat sa All-Filipino.
Ang nakakatakot dito ay hindi (tulad ng mga nakaraang kampeonato) nagtitiwala si Austria at ang Beermen na madaling talunin ang Hotshots. At maging ang inyong lingkod (San Miguel ako dito) ay naniniwalang ‘’very much capable’’ ang Hotshots na baguhin ang script. Gumawa ng sariling marka bilang koponan na tumapos sa pangarap ng Beermen na manalo ng five straight Philippine Cup.
Sa ilalim ni Victolero ay naging makinis ang sistema ng Hotshots. Hindi naman siya katandaan ngunit masusuring iginagalang ng kanyang mga manlalaro ang kanyang mga desisyon sa kainitan ng laban.
Ang battlecry ni Victolero, na tulad ni Alcantara ay produkto ng Mapua, ay ‘’Nothing is Impossible.’’
Ito rin ang ginawa ni Austria sa Beermen na kung pag-aaralan ay kumpleto sa lahat ng posisyon ngunit dahil sa mahusay ang kusinero ay palaging naghahain ng masarap at katakam-takam na putahe.
Marami ang nagtaas ng kilay matapos sumugal si Austria kay Terrence Romeo na alam ng publiko na mahirap basahin kung ano ang nasa isip. Ang hindi alam ng publiko ay balak ni Austria na huwag ituring na espesyal si Romeo kundi isa lamang sa mga gulong na umiikot upang matiyak na magiging trouble-free ang biyahe ng Beermen.
Sa totoo lang ay nasanay na si Romeo na magmula sa bench sa ilalim ni Austria at maganda ang naging resulta nito.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatikim ng Finals si Romeo at tiyak na malaki ang kanyang papel na gagampanan sa serye. Ang hindi ko lang mapaniwalaan ay ang kanyang pahayag na may posibilidad na maaga siiyang mag-retiro kung makakapagsuot na siya ng championship ring na hindi niya nakuha sa kolehiyo at sa iba pang mga liga.
Ito lang ang aking masasabi: Hayaan nyo na kung ano man ang sabihin ni Romeo. Ang importante ay nasa Finals siya at handang tulungan ang San Miguel Beer na makuha ang korona ng Philippine Cup.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending