‘Mea Culpa’ nina Bela, Tony at Jodi wagi agad sa ratings game
Agad na kinapitan ng mga manonood sa bansa ang pinakabagong Kapamilya primetime serye na Sino Ang Maysala: Mea Culpa matapos magtala ang unang episode nito ng national TV rating na 22.2%, ayon sa Kantar Media.
Dahil sa kapana-panabik na eksena kung saan nagsimula na ang pagtakas ng anim na magkakaibigan mula sa isang krimen, nagwagi ang episode laban sa kalabang programa nito.
Bukod sa telebisyon, marami rin ang sumubaybay online sa pagsisimula ng serye kaya naman pumuwesto ang hashtags na #SAMGabiNgKrimen at #SinoAngMaySala sa top trending topics ng Twitter. Sa katunayan, tinawag pa ito ng ilang netizens na “super intense,” “bold,” “exciting, at “a masterpiece.”
Pinasilip sa episode ang buhay ng law students na sina Juris (Bela Padilla), Andrei (Tony Labrusca), Gaylord (Sandino Martin), Greco (Kit Thompson), Lolita (Ivana Alawi), at Bogs (Ketchup Eusebio) at ang pagdiriwang nila sa Baguio matapos pumasa ang lima sa kanila sa bar.
Kung paano sila uusigin ni Fina (Jodi Sta. Maria), yan ang inyong abangan. Subaybayan ang Mea Culpa sa ABS-CBN Primetime Bida.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.