‘Walang pwedeng mang-api kay Bimby habang buhay si Kris!’
PARANG kailan lang ‘yun, dose anyos na pala ngayon si Bimby, napakabilis talagang lumipad ng panahon.
Magbibinata na ang anak nina James Yap at Kris Aquino.
Aminado naman si Kris na sa lahat ng laban na pasukin niya ay palaging nasa tabi niya si Bimby. Manang-mana kasi sa kanya ang binatilyo, matalino si Bimby, artikulado ring magsalita na tulad ng kanyang ina.
Inis na inis si Kris kapag may mga nagkokomento na malambot gumalaw si Bimby, du’n siya manipis, agad na umaalma ang nanay kapag ang kanyang bunso na ang bina-bash.
Na natural lang naman, wala na nga namang kasamang ama si Bimby ay magpapabaya pa ba naman si Kris, hindi mangyayari ‘yun hanggang nabubuhay pa ang aktres-TV host.
Maraming salamat naman at isinasantabi na ni Kris ang kung anumang kanegahang meron sa kanyang puso laban kay James Yap. Sabi nga niya, hindi man sila nagtagumpay bilang magkarelasyon ay may isang napakagandang regalong iniwan sa kanya ang relasyon, si Bimby.
At sana’y mapanindigan ni Kris Aquino ang kanyang sinabi na pinakawalan na niya ang lahat-lahat ng sama ng loob niya kay James Yap.
Sana nga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.