Arjo pinuri ng Autism Society Ph: Siya ang pinaka-realistic na gumanap na autistic
PINURI ng mga taga-Autism Society Philippines si Arjo Atayde dahil sa napakahusay nitong pagganap bilang si Elai na isang autistic sa serye ng ABS-CBN na The General’s Daughter.
Binati ng presidente ng ASP na si Grace Luna Adviento ang aktor dahil talagang nabibigyan daw nito ng hustisya ang kanyang karakter – walang labis, walang kulang.
Kay Ogie Diaz ipinarating ni Ms. Grace ang kanyang mensahe kay Arjo, “Papa O sa lahat ng nag-portray ng autistic, si Arjo Atayde ang pinaka-realistic for me. Thank you at justifiable ang pag-portray niya ng role sa The General’s Daughter. Ang galing!”
Ganito rin ang kuwento ng mga may kapamilyang tulad ni Elai, komento ng isa naming kakilala, “Tama ang acting ni Arjo, kapag nagsasalita hindi siya nakatingin sa kausap, may iba siyang tinitingnan. Wala silang masyadong body language, normal lang ang kilos, malalaman mo lang pag nagsalita. At higit sa lahat, wala silang feelings, hindi sila malambing.”
May nagtanong nga kay Arjo, ano pa ba ang karakter na hindi niya kayang gawin?
Anyway, tuluy-tuloy pa rin ang taping ni Arjo para sa The General’s Daughter at palabas pa rin sa mga sinehan ang pelikula nila ni Jessy Mendiola na “Stranded” at malapit na rin niyang simulan ang pelikula nila ni Eddie Garcia.
q q q
Karugtong ito ng nasulat namin kahapon tungkol sa mga proyektong pinagkakaabalahan ngayon ng producer-director na si Atty. Joji Alonso.
Nakita namin ang batikang abogada cum producer na nagdidirek na rin ngayon sa isang pet store kaya kinumusta na rin namin siya.
Nabanggit niya na sobrang busy niya ngayon dahil sa kaliwa’t kanang project ng Quantum Films.
Isa na nga riyan ang digital movie (crime story) ni Atty. Joji na pagbibidahan nina Beauty Gonzales at Seth Fedelin mula sa direksyon ni Kip Oebanda mula sa Dreamscape Digital na mapapanood sa iWant.
Si Beauty daw ang choice ng production dahil bagay sa kanya ang karakter na may binatilyong anak at ganu’n kabata.
“Si Seth, nag-audition siya, nandoon ako at lahat kami siya ang gusto kasi ‘yung mata niya, meron siyang innocence look at the same time makulit na bata. Basta abangan mo, Regs, maganda itong movie nina Beauty at Seth,” sabi sa amin ng abogadang producer-direktora.
Inurirat din namin kung bakit kahit abala sa kanyang law firm si Atty. Joji ay panay pa rin ang gawa niya ng pelikula.
“Kasi may mga tao ako sa post (Quantum Films), siyempre kailangan ng trabaho kaya kahit maliit lang ang kinikita ko go lang kasi para sa mga tao ko, ang gagaling ng mga bata, ang huhusay nila. Hindi kalakihan ang kinikita sa post, pambayad lang ng bills. Ang malaking percentage ay sa pasuweldo,” paliwanag sa amin ni Direk Joji.
Marami pa siyang binanggit sa aming mga future projects ng Quantum pero saka na lang daw namin isulat kapag malapit nang ipalabas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.