PATULOY na tumitindi at umiinit ang mga eksena sa pinag-uusapang afternoon series ng GMA 7, ang Dragon Lady ni Janine Gutierrez.
Sa episode last Saturday, walang-awang sinunog nina Vera (Maricar Reyes) at Astrid (Joyce Ching) si Yna sa pag-aakalang mapupunta sa kanila ang lahat ng swerteng dala ng hawak nilang estatwa.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, hindi nasunog ang katawan ni Yna at muli itong nabuhay. Nawala rin ang kanyang kaliskis sa katawan pati na ang mala-dragon niyang itsura.
Kitang-kita naman ni Goldwyn (Edgar Allan Guzman) ang misteryosong pagkabuhay ni Yna. Tinulungan niya ito at dinala sa isang ospital. Sinabi ng doktor na maayos na ang kundisyon ng dalaga ngunit hindi niya alam kung kailan ito magkakamalay.
Ipinangako naman ni Goldwyn kay Yna na tutulungan niya itong maghiganti laban sa pamilya nina Vera dahil sa ginawa ring panloloko sa kanya. Pumayag kaya si Yna sa mga plano ni Goldwyn? Magkita pa kaya sila uli ni Michael at ng kanyang pamilya?
Siguradong mas ikagugulat n’yo ang mga gagawin ni Dragon Lady para maipaghiganti ang kaapihan at kalupitang dinanas niya at ng kanyang mga magulang sa mga kamay nina Vera at Astrid.
In fairness, marami ang nagsasabing pang-best actress ang acting ni Janine sa Dragon Lady dahil sa hirap ng mga eksenang ginagawa niya sa serye.
Napapanood pa rin ang Dragon Lady araw-araw pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime.
Ito’y sa direksyon ni Paul Sta. Ana, kasama pa rin sina Diana Zubiri, James Blanco, Tom Rodriguez at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.