HINDI dapat balewalain ang mga balita ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (Pagasa) tungkol sa tumitinding “heat index” ngayong tag-init.
Hindi ito ang “maximum temperature” sa kanilang weather forecast kundi ito ang tinatawag na “real feel” temperature o nararamdaman nating init kasama ang “relative humidity”.
Noong Miyerkules, naitala ang pinakamataas na heat index na 48.2 degrees Centigrade sa Dagupan City. Bumaba ito sa 44.5 degrees Centigrade kinabukasan at 37.5 nitong Biyernes.
Ganito rin ang nararanasan sa Cuyo, Palawan; Sangley Point sa Cavite at maging sa Cotabato at Maguindanao na nagtala ng 41.4 degrees Centigrade heat index.
Dito sa Metro Manila naitala ang pinakamainit na 35.4 degrees Centigrade alas 3:27 ng hapon sa Quezon City nitong Sabado at ang heat index na naramdaman ay 37 degrees Centigrade. (Ang record temperature sa Metro Manila ay 38.5 degrees Centigrade noong May 14,1987).
Dahil dito, nagbabala ang Pagasa na mag-ingat ang lahat sa matataas na “heat index levels ” na maaring mauwi sa “heat stroke”.
Kapag ito ay nasa 32 hanggang 41 degrees Centigrade, dapat daw mag-ingat sa mga “heat cramps” at “heat exhaustion” na kung kikilos pa ay posibleng mauwi sa heat stroke.
Kapag pumalo sa 42 hanggang 54 degrees Celsius ang index, “impending danger” na at posibleng mauwi sa heat stroke.
At kung lalampas naman ang index sa 54 degrees, ito na ang “extreme danger” ng heat stroke.
Ang panganib na ito’y lalo pang pinaigting ng napipintong water crisis dahil sa bumababang lebel ng tubig sa Angat dam, ang dumadalas na “yellow alert” sa brownouts ng Meralco at NGCP at mga sunud-sunod na sunog.
Noong Sabado, nagkasunog sa Paranaque City, Marikina City, Maynila at Caloocan City. May malaking sunog din sa Batangas City kung saan 100 bahay ang tinupok ng apoy.
Kaya nga, kapag ganitong tag-init, kailangan ng mas maigting na pambansang kilusan upang kahit paano’y matulungan ang mga apektadong mamamayan.
Unang-una sa baranggay level, alin-aling baranggay ba ang dadanas ng matataas na heat index tuwing tag-init? Ikalawa, meron bang “heat vulnerability map” ang gobyerno?
Ikatlo, sino bang mga mamamayan ang matatawag na “heat vulnerable” sa barangay; Sila ba ang mga matatanda, may sakit at mga nagtatrabaho sa init?
Pwedeng magtayo ng mga “cooling centers” sa mga baranggay kung saan dadalhin ang mga matatanda at may sakit tuwing mataas ang heat index. Pwede ring magkaroon ng home visits sa mga bahay ng mga matatanda at iba pa sa malalayong lugar sa baranggay.
Sa totoo lang, mas ibayong koordinasyon ang dapat ginagawa ng gobyerno tuwing tag-init.
Ang NDRMMC ay maingay lang tuwing may bagyo, kapag tag-init na, wala kang marinig. Ito ang panahon ng sunud-sunod na sunog, water shortage, brownouts, mga sakit tulad ng heat strokes at ubo’t sipon dahil sa pabagu-bagong temperatura kung saan marami ang naoospital at nasasawi taun-taon.
At ang malungkot, kanya-kanyang solusyon si Juan de la Cruz kahit nagbabaha sa pondo ang inutil nating bulokrasya ng gobyerno.
Pakinggan at panoorin ang BANNER STORY, 6 hanggang 9 ng umaga sa DZIQ 990-AM Lunes-Biyernes at mag-mensahe sa [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.