Glaiza pabor sa mandatory drug test pero kontra sa paglantad ng mga artistang nasa ‘narco list’
PABOR ang award-winning Kapuso actress na si Glaiza de Castro sa mandatory drug testing para sa lahat ng mga taga-showbiz.
Pero kung ang plano ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) na ilantad sa publiko ang 31 pangalan ng local celebrities na sangkot sa ilegal na droga, mukhang may pagkontra rito ang dalaga.
Sa presscon para sa bagong endorsement ni Glaiza, ang Symply G Hair & Skin Care, sinabi nitong may karapatan ang nasabing ahensiya ng pamahalaan na pangalanan ang mga artistang gumagamit o nagbebenta ng droga. Pero aniya baka naman pwede pang pag-usapan ng hindi na kailangang ibandera sa publiko ang kanilang identity.
“Parang ang hirap magbigay ng opinion about it. Kung puwede namang pag-usapan kasi it would really affect the artists. I know deep inside na they want to be a good person.
“So kung mapag-uusapan naman, pero kung gobyerno na ang nagsabi o powerful na tao na ang nagsabi, why not,” paliwanag ng aktres.
Tungkol naman sa mandatory drug testing, okay dito si Glaiza. Isa raw ito sa paraan para mabawasan ang problema ng bansa sa illegal drugs, “And I think wala namang masama sa ganu’n. Parang sa isang company na kailangang i-monitor ang ginagawa ng mga employees, so sa akin ok lang ‘yun.”
Kung matatandaan, in-announce ng PDEA na may 31 showbiz personalities ang nasa drug watchlist ng ahensya, “Lahat ito puro sikat, parang isa lang ang laos na, ‘yung matanda na ‘yun.”
Samantala, makulay din ang lovelife ngayon ni Glaiza dahil sa kanyang boyfriend na si David Rainey na mula sa Ireland.
In fairness, six years na single si Glaiza hanggang sa makilala na nga niya si David. Naging official ang kanilang relasyon noong September, 2018.
Paglalarawan niya sa kanyang BF, “Sobrang bait niya. Yung ipinag-pray ko kay Lord, ang dami kong nakausap, kapag meron kang ipinagpe-pray, banggitin mo yung qualities. Very understanding siya sa mga topak ko,” kuwento ng Kapuso actress.
Ibinalita rin ng dalaga na tatlong buwan siyang mawawala sa bansa. Aalis siya sa July para mag-aaral ng music production sa London. Pero siniguro naman ng aktres na hindi siya masyadong mami-miss ng kanyang fans dahil meron siyang tinatapos na dalawang pelikula.
Nagpasalamat din si Glaiza sa sunud-sunod na award na natanggap niya para sa “Liway”. Ito ang dahilan kung bakit mas ganado siyang gumawa ng mga makabuluhang pelikula.
Isa pang blessing na dumating sa career ni Glaiza ay ang pagiging bagong celebrity ambassador ng Symply G. Nag-thank you rin siya sa may-ari ng kompaya na si Mr. Glenn Sy dahil sa tiwalang ibinigay sa kanya para maging mukha ng Symply G Hair & Skin Care Products.
Ayon kay Mr. Sy, naniniwala sila na malaki ang magagawa ni Glaiza para mas makilala at mas bumenta ang kanilang mga produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Bukod sa achievements ng dalaga bilang singer-actress ay isa rin itong certified social media influencer.
Inamin din ng Kapuso actress na bago raw niya tinanggap ang offer ng Symply G ay talagang ginamit muna niya ang mga produktong ie-endorse niya. Ayaw daw kasi niyang lokohin ang mga consumers sa pamamagitan ng pag-eendorso ng isang produkto na hindi naman niya pinaniniwalaan.
Bukod sa Active Whitening & Moisturizing Soap at Active Lotion, meron din silang Keratin Shampoo & Conditioner na talaga raw ginagamit ngayon ni Glaiza.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.