JM suportado ang kampanya ng PDEA laban sa droga, pero may pakiusap para sa celeb drug list
MAY isang pakiusap lang si JM de Guzman sa mga tauhan ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) sakaling may mahuhuli ngang mga taga-showbiz na sangkot sa ilegal na droga.
Sana raw ay tratuhin naman nang maayos ang mga ito dahil naniniwala ang aktor na karapatan din nila ang mabigyan ng makataong pagtrato. Bukod dito, pabor din siya sa mandatory drug test sa showbiz para malaman na kung sinu-sino pa ang gumagamit ng droga na talamak ngayon sa entertainment industry.
“Para po sa akin, that’s a very smart move ng PDEA kasi po kami sa industriya we also have social responsibility to set an example pero ang hinihingi ko lang po sa PDEA…tatlong taon po ako sa loob ng rehab, araw-araw kasama ko mga addict, pusher.
“At hindi lang po sila addict or nag-take ng drugs whatsoever, may mga pinagdaanan din po sila na obviously hindi nila kinaya and they chose a different path to patch it up and to move on to fight.
“’Wag lang po sanang masyadong masaklap ‘yung pagtrato sa kanila kasi umabot na sa point na pinapatay na nga (Oplan Tokhang), wala po tayong death penalty pero they could be killed and I don’t believe on that sh***t.
“Ako, I’m in this position ngayon na maging example na hindi lang kami hanggang doon and kung ano po ‘yung makakatulong na ginagawa ng PDEA, e, all out support po ako 100% and willing to submit my pee (urine test) anytime, anywhere,” pahayag ni JM sa ginanap na mediacon ng pelikula nila ni Arci Muñoz na “Last Fool Show” .
Kamakailan ay nagpahayag ang PDEA na may hawak silang listahan ng 31 personalidad sa showbiz na sangkot sa droga at karamihan daw sa mga ito ay mga bata pa, kabilang na ang isang kilalang loveteam.
Base rin sa impormasyon na nakuha namin mula sa isang source, minamanmanan na ang lahat ng nasa listahan para sa validation process.
Samantala, riot naman ang mediacon nina JM at Arci para sa “Last Fool Show”. Pareho kasing nasa mood na makipagkulitan sa press ang dalawa at wala silang ginawa kundi magbukingan sa isa’t isa kaya naman aliw na aliw sa kanila ang entertainment editors, writers at bloggers.
Kitang-kitang na sobrang close talaga ng dalawa kaya kampante lang sina JM at Arci habang inilalaglag ang isa’t isa kaya naman tawa nang ng tawa ang lahat ng nasa presscon.
“We’re closer now as friends kaysa nu’ng college days. Talagang no malice, we can hold hands nang walang malisya. Ewan ko lang kay M (tawag kay JM) kasi crush niya ako nu’ng college,” natatawang kuwento ni Arci.
Sabi naman ni JM boyish daw si Arci noon pero marami pa ring manliligaw. Mula noon hanggang ngayon ay napanatili raw nila ang kanilang friendship kaya talagang na-excite siya nang malamang sila ang bibida sa “Last Fool Show” sa direksyon ni Eduardo Roy, Jr.
Magkaklase sila sa UP noon sa kursong Theater Arts at ngayon nga ay magkasama na sila sa pelikula. Inamin ni Arci na never niyang naging crush si JM dahil pakiramdam niya ay bading ang binata. Feeling kasi niya walang straight guy na kumukuha ng Theater Arts.
Pero kalaunan ay napatunayan niyang hindi pala bading ang aktor dahil nagsilbi niya itong tagapagtanggol noon. Kaya naman sobrang love niya si JM, “He’s part of my family, he’s like my brother to me,” say ng dalaga.
Mapapanood na ang “Last Fool Show” sa Abril 10 mula sa Star Cinema, N2 Productions at Emba. Kasama rin dito sina Jaymee Katanyag, Alora Sasam, Via Antonio, VJ Mendoza, Chamyto Aguedan, Kris Janson, Victor Silayan, Erin Ocampo, Pat Sugui, Cholo Barretto, Josef Elizalde, Menggie Cobbarubias, Arlene Muhlach, Bibeth Orteza at Gina Alajar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.