Jason handang maghintay kay Vickie Rushton: ’Sabi ko, unahin niya muna ang Bb. Pilipinas’
MAS priority ngayon ni Jason Abalos ang pagsuporta sa ikalawang paglaban ng kanyang girlfriend na si Vickie Rushton sa 2019 Binibining Pilipinas kesa sa kanyang pagpo-propose.
“Sa ngayon, mas gusto kong i-prioritize yung pagsali niya sa Binibini, kasi gusto ko maging focus siya du’n,” chika ni Jason sa ginanap na presscon ng bagong Kapuso afternoon drama series na Bihag.
Ayon kay Jason, sigurado na naman ang gagawin niyang proposal kaya pinayuhan niya si Vickie na huwag munang isipin ang tungkol dito at mag-concentrate muna sa kanyang pangarap na makakuha ng titulo at korona. Last year, siya ang itinanghal na Bb. Pilipinas first runner-up.
“Sabi ko, ‘wag mo munang isipin yung sa atin, kasi kahit anong mangyari, doon pa rin naman yung punta natin, eh,” pahayag ni Jason. Pero aniya, napag-uusapan na rin naman nila ni Vickie ang tungkol sa wedding, “Oo naman, pero hindi pa ngayon.”
Willing naman daw na maghintay ang binata kung kailan magiging ready ang dalaga, “Kahit kung aabot kami ng 3 or 5 years dahil mananalo siya nang mananalo, why not.”
Ibibigay din niya ang kanyang 100 percent support bilang number one cheerleader ni Vickie, “Sabi ko, ilaban mo na. Kung last year, medyo mahiyain ka pa, ngayon baguhin mo na. Makikita mo kung ano yung ginawa mo last year na puwede mong gawin ngayon na hindi mo pa nagagawa.”
Anim na taon nang magkarelasyon sina Jason at Vickie at nagpapasalamat ang aktor sa suporta at pagmamahal sa kanya ng GF, “Sobrang magmahal si Vickie. Sobra ‘yung kahit ano mangyari, ako yung pinipili niya. Iba yun eh, parang iba talaga yung kinalikahan ni Vickie na wala siyang ibang kinalakihan kung hindi magmahal lang.”
At bilang kapalit, “Ibinibigay ko rin lahat sa kanya, lahat ng bagay, ‘lahat ‘to kaya tayo tumagal dahil sa yo’ kasi ang dami ko rin naman naging karelasyon na di ba? Parang hindi naman kami tumagal dahil may mga nangyayari na hindi naayos pero sa amin ni Vickie kahit maliit na problema lang pag-usapan natin, yun yung never kong nagawa sa mga past relationships ko.”
Samantala, bibida si Jason sa bagong afternoon series ng GMA na Bihag na magsisimula na sa Lunes, April 1. Makakasama rin dito sina Mark Herras, Max Collins, Sophie Albert, Raphael Landicho and Neil Ryan Sese.
Si Jason ang gaganap bilang Brylle, ang asawa ni Max who will play the role of Jessie. Masaya ang pagsasama ng mag-asawa ngunit bigla na lang mawawasak ang kanilang relasyon dahil sa pagkawala ng kanilang anak na si Ethan (Raphael Landicho).
Idagdag pa ang pag-eksena ni Reign (Sophie) ang magiging kabit ni Brylle na gagawin ang lahat para maangkin ang lalaking pinakamamahal.
Ang Bihag ay sa direkyon ni Neal del Rosario at magsisimula nang umere sa April 1, Lunes hanggang Biyernes sa GMA Afternoon Prime, kapalit ng My Special Tatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.