Laguna Province nagkampeon sa 2019 Batang Pinoy Luzon qualifying leg
CITY of Ilagan, Isabela – Matapos ang mahabang panahon na pagkakatulog ay muling inangkin ng Laguna Province ang pangkalahatang titulo kontra sa 2017 Luzon leg at 2018 National champion Baguio City sa pagtatapos ng 20 pinaglabanang sports sa ginanap dito na 2019 Batang Pinoy Luzon Qualifying leg.
Umarangkada ang pinakaunang nagkampeon nang ilunsad ang Batang Pinoy noong 1999 na Laguna Province sa huling araw ng kompetisyon sa pagwawagi sa badminton at athletics upang agawin ang titulo sa dalawang ginto lamang na abante.
Gayunman, umalagwa ang Laguna Province sa pagtipon nito sa kabuuang 38 ginto, 35 pilak at 36 na tanso para sa kabuuang 109 medalya tungo sa pagputol sa mahabang panahon na 20 taong pagkakatulog para muling ipakita ang kanilang kahusayan sa larangan ng sports.
Pumangalawa ang Baguio City na kinolekta ang kabuuang 36 ginto, 47 pilak at 60 tanso para sa 143 medalya kung saan una nitong dinomina ang boxing upang mahigpit na paglabanan ang nakatayang pangkalahatang titulo.
Nagwagi sa Baguio City ang 11 sa ipinadala nitong 12 boxers na kinolekta ang kabuuang 4 ginto, 4 pilak at 3 tanso para sa 11 medalya. Ikalawa ang Benguet na may 12 boxers para sa 2 ginto, 4 pilak at 2 tanso at walong medalya habang ikatlo ang Dagupan City na may walong boxers na nagwagi ng 2 ginto, 2 pilak at 3 tanso para sa 7 medalya.
Nagwagi rin ang Laguna Province ng ginto mula kay James Brylle Ballester sa 800m (2:06.2), sa girls 4x400m at 4×100 relay team nina Janine Dauba, Vita Ruth Belloso, Kyla Elona at Magvrylle Matchino, Rowee Bryan De Luna sa boys 400m at sa badminton under-13 singles ni Andrea Princess Hernandez at doubles kasama si Roshiela Quirez.
Nagtala naman ng impresibong panalo ang magkapatid na sina Clark at John Wayne Vicera para sa Lucena. Itinala ng 12-anyos na si Clark ang referee-stopped-contest sa round 2 kontra Lemour John Manalad ng Taguig sa School Boys Mosquito (38kg) habang pinaayaw ng mas nakakatanda na si John Wayne si Dan Joseph Asug ng Dagupan.
Si John Wayne ang tinanghal na kampeon sa school boys light pinweight (44kg) habang ikalawang ginto ito ni Clark sa kompetisyon na para sa mga in at out-of-school na kabataang atleta edad 15-anyos pababa.
Nagwagi naman ang tropa ng Dasmariñas City kontra Mariveles sa basketball boys 15-under sa 101-97 panalo.
Isang fast break ang itinakbo ng tropa ng Mariveles upang subukan na itabla ang iskor, 100-97, ngunit bigo sila na ibuslo ang 3-point shot kung saan nakuha ng Dasmariñas ang rebound sa huling 1.9 segundo ng laro.
Napilitan ang Mariveles na i-foul ang kalaban na naging sanhi ng free throws ngunit isa lamang ang naipasok ng Dasmarinas na nagbigay sa kanilang ng gintong medalya.
Sa badminton nakasikwat ng dalawang gintong medalya si Andrea Princess Hernandez, para sa Laguna Province buhat sa girls under 13 doubles kung saan kakampi niya si Roshiela Quirez, at sa girls 13-under singles.
Sa 13-under boys doubles, nagwagi sina Migz Rafael Valimiento at Ryan Mendoza ng Sta, Maria Bulacan, habang sa Boys under 13 naman ay naghari si Karl Raphael Contreras ng Malolos City.
Sa 13-15 boys doubles nakuha ng Mandaluyong City sa pamamgitan nina Ashton Rudolph Prieto at Kaydric Johann Abisales ang ginto, habang sina Angel Valle at Kahrene Zapanta ng Taytay City naman ang nagwagi sa 13-15 Girls doubles.
Sa 14-15 category sa mga babae ay nagwagi si Patricia de Leon ng Taguig City at si John Paul Bernanrdino naman ang nanalo sa 13-15 Boys singles.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending