SUV ng brgy officials naaksidente; 2 patay, 4 sugatan
DALAWANG tao ang nasawi at apat pa ang nasugatan nang maaksidente sa Pasuquin, Ilocos Norte, ang sports utility vehicle (SUV) na sinakyan ng barangay officials mula Burgos, Isabela, nitong Miyerkules.
Nasawi sina Josephine Moises at Edmundo Martillano, kapwa barangay treasurer, ayon sa ulat ng Ilocos Norte provincial police.
Sugatan naman ang driver na si Novelito Abaya, at ang iba pa niyang sakay na sina Junard Salacup, isang Sangguniang Kabataan chairman; Brgy. Bacnor West kagawad Domingo Lastimosa; at Elizabeth Bucag, treasurer ng Brgy. San Antonio.
Naganap ang aksidente dakong alas-6, sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. 25 Pragata.
Minamaneho ni Abaya ang Toyota Fortuner (UPI-402) patungong timog, nang bigla na lang umano maawalan ng kontrol sa manibela.
Dahil dito’y nahulog ang sasakyan sa road shoulder, kung saan ito sumalpok sa poste ng kuryente bago nalaglag sa isang taniman ng mais, ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.