Quitoy nagtala ng bagong PH juniors javelin record
BINURA ni Ann Katherine Quitoy ng Bacolod City, Negros Occidental ang national juniors record sa javelin throw habang humablot si Charmaine De Ocampo ng Dasmariñas City ng apat na gintong medalya sa 2019 Ayala Philippine Athletics Championships sa City of Ilagan Sports Complex sa Ilagan, Isabela Biyernes.
Nahigitan ng 18-anyos na si Quitoy ang isa sa pinakamatandang national juniors record matapos na ihagis ang javelin sa distansiyang 44.71 metro sa kanyang ikaanim at huling paghagis.
Binasag ni Quitoy ang 21-taong national record sa girls’ javelin throw na 44.54 metro na itinala ng kasalukuyang national throwing coach na si Rosie Villarito noong Hunyo 8, 1998 sa National Open na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex.
Nagtala rin si Quitoy ng panibagong record sa Palarong Pambansa at ASEAN Schools Games.
Itinala ni Quitoy ang bagong Palaro secondary girls’ javelin throw record sa 45.72 metro subalit hindi ito kinilala ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) dahil sa kawalan ng technical requirement. Nagtala rin siya ng record sa ASEAN School Games na ginanap sa Malaysia matapos ihagis ang spear sa distansiyang 49.18 metro.
Samantala, kumulekta naman ang 15-anyos na si De Ocampo ng apat na ginto sa 800m (2:20.91), 1,500m (5:09.99), 4×100 (50.47) at 4×400 (4:04.40) race sa torneong nagsisilbing qualifying event para sa 2019 Southeast Asian Games. na Sinamahan din niya ito ng dalawang pilak na medalya sa 3,000m and 4x400m mixed relay.
Nakakuha naman ng tig-tatlong gintong medalya ang mga national athletes na sina Francis Medina, Robyn Brown at Kristina Knott.
Nagwagi ng ginto si Medina, na pasok na sa 2019 SEA Games base sa kanyang record time na itinala sa 2018 Asian Games, sa 400m hurdles, men’s 4x400m at 4×400 mixed relay.
Nanalo naman ng ginto si Brown, na sumabak sa kanyang unang torneo sa bansa, sa women’s 400m hurdles, women’s 4x400m relay at 4x400m mixed relay.
Si Knott, na hangad burahin ang mga sprint record kabilang ang pinakamatandang national at SEA Games record na itinala ni Lydia De Vega-Mercado, ay nagwagi sa women’s 200m at 100m races at 4x100m relay.
Ang Olympian at kasalukuyang SEA Games 100m record holder na si Eric Cray ay nakubra ang kanyang unang ginto sa 200m run.
Nagsumite si Cray ng oras na 21.92 segundo para talunin sina Mohammad Irfan Dau (22.59) at Yann Guan Tan (22.88).
Nagdomina naman si Ernest John Obiena sa pole vault event sa itinalang 5.35 metro na isa ring SEA Games gold medal standard.
Nakasiguro rin ng puwesto sa national track team si Harry Diones sa itinalang 16.06 metrong talon sa triple jump.
Nagtala naman sina Michael Del Prado, Francis Medina, Robyn Brown at Eloisa Luzon ng standard time at bagong record sa 4×400 meter relay sa itinalang oras na 3:33.44.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.