KUNG dati ay galit sa kurap ang peg ng isang dating mambabatas ngayon ay tila nag-iba ang posisyon nito sa mga isyung may kaugnayan sa katiwalian.
At tulad ng inaasahan ay pulitika rin ang dahilan ng pagbabago niya ng saloobin sa isyu.
Napasama kasi sa listahan ng mga tatakbong konsehal sa isang lungsod ang kanyang anak.
Nagkataon naman na malakas sa lungsod na ito ang isang dating opisyal na ilang beses pinarata-ngan ng katiwalian.
Dahil kailangang magsiguro na mananalo ang kanyang anak sa eleksyon kaya dedma muna si sir sa mga corruption charges na ibinabato sa tinaguriang “kingpin” ng lungsod.
Wala pa naman daw ibinibabang final conviction ang hukuman kaya mali na idiin sa graft charges ang opisyal na tumatayong padrino ngayon ng anak ng tinutukoy nating dating mambabatas.
Ibang-iba ito sa kanyang komento sa kaso ng dating tatlong mga senador na naugnay sa pork barrel scam.
Tinawag kasi ng dating mambabatas na mga walang karapatan ang tatlong dating senador na tinawag pa niyang mga buwaya.
Sinabi ng aking cricket na halatang kinain ng ating bida ang kanyang pride dahil halos makipag-away ito sa pagdepensa sa padrino ng kanyang anak na ilang beses rin namang nasangkot sa katiwalian.
Iba talaga ang nagagawa ng interes sa pulitika dahil pati ang dignidad at posisyon sa isang partikular na isyu ay nawawala nang dahil lamang sa paghahangad ng kapangyarihan.
Ang dating mambabatas na galit daw sa kurap pero ngayon ay panay ang dikit sa isang inaakusahan ng pagnanakaw sa pera ng bayan para lamang makatiyak ng posisyon sa konseho ang anak ay si Mr. R…as in Renegade.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.