Jason gusto nang magka-baby kay Vickie; Max bawal pang magpabuntis kay Pancho
MADI-DELAY muna ang baby plans ng mag-asawang Max Collins at Pancho Magno dahil sa bagong teleserye ng Kapuso actress.
Si Max ang bibida sa upcoming family suspense-drama ng GMA 7 na Bihag kung saan makakasama niya si Jason Abalos. Ito ang ikalawang pagkakataon na magkakasama ang dalawa sa serye, una silang nagkatrabaho sa The One That Got Away with Dennis Trillo, Rhian Ramos and Lovi Poe.
Gaganap na mag-asawa ang dalawa sa nasabing proyekto na susubukin ng iba’t ibang trahedya sa kanilang buhay.
Magkakaroon din sila ng anak sa serye kaya natanong namin sina Jason at Max tungkol sa plano nila bilang mga magulang in the future.
Ayon kay Max, isang taon pa lang naman daw silang kasal ni Pancho kaya hindi sila nagmamadaling magka-baby. Sa ngayon, focus muna sila sa kanilang married life at sa kani-kanilang career.
“Yes, not right now kasi may work pa. And gusto pa naming mag-travel, and marami pa kaming gustong gawin. So kapag dumating ‘yung right time, malalaman din namin. It’s just that we’re busy and we have plans of doing other things muna before having a baby,” pahayag ng aktres.
Para naman kay Jason, gusto at handa na siyang bumuo ng sariling pamilya with her longtime girlfriend Vickie Rushton.
“Gusto ko na. Siyempre, oo, gusto ko na rin. Ayoko naman na parang tumanda ako na yung anak ko, hindi ko makakalaro. Siguro, sa age namin talaga, kailangan na rin, e. Ako, matagal na, (ready maging tatay),” aniya.
Pero siyempre, kino-consider din niya ang magiging desisyon ni Vickie. Hindi pa raw nila napag-uusapan ang tungkol sa kasal dahil marami pang gustong ma-achieve ang GF.
“Yun nga, e, may mga gusto pa siyang gawin. So, yun ang hinihintay ko na sana magawa niya lahat para alam niyo yun? Ayoko naman dumating yung panahon na pagsisihan niya na hindi niya nagawa,” pahayag pa ng Kapuso leading man.
Sa mga hindi pa nakakakilala kay Vickie, naging housemate siya noon sa Pinoy Big Brother: All In (2014) at nagwaging Mutya ng Pilipinas noong 2011 at nag-1st runner-up sa Binibining Pilipinas 2018.
Itinanggi rin ng binata na nagli-live in na sila ni Vickie, “Conservative rin kasi siya kaya hangga’t maaari (kasal muna bago magsama),” sey pa ni Jason.
Samantala, speaking of Bihag, gagampanan nga ni Jason ang karakter ni Brylle, ang asawa ni Jessie na to be played by Max. Ito’y tungkol sa mag-asawang haharap sa matinding hamon ng buhay matapos ang hindi inaasahang pangyayari sa kaisa-isa nilang anak.
Marami raw ibig sabihin ang titulong Bihag kaya hindi lang ito tungkol sa magaganap na kidnapan sa serye.
Makakasama rin dito sina Mark Herras, Sophie Albert at Neil Ryan Sese, sa direksyon nina Neal del Rosario at Toto Natividad. Ito ang papalit sa My Special Tatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.