ni LITO BAUTISTA, Executive Editor
IBA-iba ang opinyon, at paninindigan, ng mga ina sa mga anak na nabuyo sa mali. Di isinuko ni Marlene ang anak na si Jayson Ivler, bagkus itinago pa niya ito (ayon sa NBI, pero ikinakaila niya ang paratang, bagaman nahuli sa bahay mismo nila ang anak). Di rin kinanlong ng mga magulang si Hubert Webb at ipinaglaban pa nila ang kaso. Bagaman nakabuntot sa kanyang anak na si Jesus, di humadlang si Maria nang ipagkanulo’t dakpin ang Anak ng Diyos. Ang opinyon ay maaaring bunga ng pagmumuni-muni at paninimbang ng mga katuwiran. Ang paninindigan ay iba. Ang paninindigan ay walang pagmumuni-muni at walang isinaalang-alang na mga katuwiran. Ang paninindigan ay mula sa puso. Natatangi ang ina na may paninindigan sa anak kahit na ito’y nagkasala’t nahaharap na sa bitayan. Si Maria’y nanindigan din sa Anak na si Jesus; at sinaksihan ang bitayan. Dalawin ang bilangguan at tunghayan ang mga ina na nanindigan sa kanilang mga anak. Yan ang dakilang pagmamahal ng ina sa anak. Kailangan munang maging ina ang babae para maramdaman ang dakilang pagmamahal sa anak. Di isinuko ni Marlene si Jayson, taliwas sa payo ng kapatid na si Freddie, ang may akda ng klasikang “Anak.” Lumuha nga si Marlene, pero di niya tinanong si Jayson ng: “Anak, ba’t ka nagkaganyan,” taliwas sa panulat ng kapatid na si Freddie.
BANDERA, 012210
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.