“Target ni Tulfo” ni Mon Tulfo
NAMATAY sa sakit sa puso si Press Secretary Cerge Remonde dahil sa malakas siyang manigarilyo.
Napakasama sa katawan ang paninigarilyo na aking iniwan maraming taon na ang nakararaan.
Napalakas ng paninigarilyo si Remonde dahil mahirap ipagtanggol ang kanyang amo na si Pangulong Gloria.
Para sa kaibigan kong si Cerge, trabaho lang ang ginagawa niya sa pagtatanggol niya sa taong kinamumuhian ng bansa.
Hindi naisip ni Remonde na ang kanyang mga sinasabi sa taumbayan ay maaaring pagtatakip sa isang opisyal na maraming ginawang kabalbalan sa bansa.
“Trabaho lang ito,” sabi niya minsan.
Magaling na tauhan si Remonde dahil hindi umiiwan ng kanyang amo kahit na inuulan na siya ng mga insulto at panunuya.
Huwag natin siyang sisihin sa kanyang pagiging professional at loyal sa kanyang amo.
Bihira kang makakita ng taong kagaya niya.
* * *
Wala akong makitang mali sa ginawa ni Remonde sa pagtatanggol kay Pangulong Gloria.
Walang iniwan yung kanyang ginawa sa isang abogado sa pagtatanggol sa kanyang kliyente sa korte kahit na alam niya na talagang may kasalanan ito.
Professionalism ang tawag diyan.
Hinahangaan ang isang taong professional sa halip na kamuhian ito.
* * *
Naging kaibigan ko si Cerge mga late 1980s nang ako’y napunta ng Cebu City kung saan siya ay radio reporter at commentator noon.
Naging madikit kami dahil ako’y broadcast journalist bago naging newspaper reporter and finally columnist. Isa pa, pareho kaming Bisaya.
Matagal kaming di nagkita at nakadaupang-palad ko siyang muli nang siya’y naging chairman of the board at general manager ng RPN 9 at ako naman ay host ng “Isumbong mo kay Tulfo” public service show.
Pinahanga ako ni Cerge nang ako’y kanyang lapitan at hingan ng tulong tungkol sa problema sa mga empleyado sa RPN 9, na isang government-sequestered station.
Doon ko nalaman ang pagiging maka-manggagawa ni Cerge.
Matagal nang di sumusuweldo ang mga empleyado at kailangan na silang pasahurin.
Napag-alaman niya kasi na kaibigan ko ang isa sa mga Tieng brothers—si Willie—ng Solar Productions na isang malaking sponsor ng RPN 9.
Kinausap niya ako upang makapag-set ng meeting sa mga Tieng brothers na pahiramin ang istasyon ng perang ipansasahod ng mga manggagawa.
Ginawa ko ang kanyang pakiusap, at nakasuweldo ang mga RPN 9 employees.
Pro-labor si Cerge dahil siya’y opisyal ng isang malaking labor union sa bansa.
* * *
Hindi nagbago ang pagkakaibigan namin ni Cerge nang naging magkalaban kami ni First Gentleman Mike Arroyo na dati kong matalik na kaibigan.
Inutusan ni Mike Arroyo si Cerge na alisin ang aking programa sa RPN 9 pero hindi niya ito sinunod.
Sinabi niya sa asawa ni Pangulong Gloria hindi puwedeng alisin ang aking programa dahil may kontrata akong pinirmahan sa RPN 9 at nagbabayad ako ng oras dito.
Nang mag-expire ang aking kontrata, binalikan si Cerge ni Mike Arroyo.
Wala siyang magawa kundi sundin ang gusto ng first gentleman.
“Bay, pasayloa ko kay wa na koy mahimo. Napugos ko nga dili i-renew ang imong kontrata (Kaibigan, pasensiya ka na dahil wala na akong magawa. Napilitan akong huwag i-renew ang iyong kontrata),” sabi niya sa akin.
Sinabi ko sa kanya na naintindihan ko at kami’y nagkamayan bago naghiwalay ng landas.
BANDERA, 012010
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.