PATAY ang dalawang hinihinalang gunrunner nang makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng entrapment, sa may Plaza Lawton, Manila, Biyernes ng umaga.
Nakilala ang isa sa mga napatay bilang si Martin Gomez, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ikalawa, ayon sa ulat ng Manila Police District.
Naganap ang engkuwentro dakong alas-3:15, sa Quintin Paredes Bridge.
Bago ito, nagsagawa ng entrapment ang mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group at MPD Station 5 (Ermita) sa tapat ng Technological Institute of the Phililippines sa Ayala blvd.
Nang matanggap ang P10,000 kapalit ng isang kalibre-.45 pistola, tinutukan ng dalawang target ang pulis na nagpanggap bilang buyer at sumakay ng motorsiklo patungong Plaza Lawton.
Sinubukan silang harangin ng mga pulis na may checkpoint makalampas ng Manila City Hall, pero iniwasan nila ito.
Sa gitna ng habulan ay nagkapalitan ng putok at tinamaan ang dalawa, ayon sa pulisya.
Narekober sa mga suspek ang isang motorsiklo, kalibre-.38 revolver, kal-.45 pistola, kal-.357 revolver, mga sachet na may hinihinalang shabu, at ang P10,000 na ginamit sa entrapment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.