MATAGUMPAY na inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at BDO Foundation ang Financial Literacy Program para sa mga OFW na tinaguriang PITAKA o Pinansyal na Talino at Kaalaman.
Determinado ang pamahalaan kasama ng pribadong sektor na higit pang pag-ibayuhin ang kaalamang pang-pinansiyal ng ating mga OFW at kanilang mga kapamilya, kasabay ng pagtataas sa kanilang kamalayan may kinalaman sa konsepto ng pag-iipon.
Binuksan ang programa sa pamamagitan ng pahayag ng pangulo ng BDO Foundation na si Mario Deriquito. Ayon sa kaniya, hindi pa rin nababago ang prayoridad ng ating mga OFW sa pinakahuling survey, kung bakit kailangan nilang mag-abroad.
Nangunguna anya rito ang Edukasyon, na sinusundan naman ng pabahay, sasakyan at pangkabuhayan.
Sa pahayag ni BSP Governor Nestor Espenilla Jr., na ibinahagi naman ng kaniyang kinatawan na si Deputy Governor Chuchi Fonacier, 35% lamang ng ating mga OFW ang mayroong savings o naiipon sa banko, 5% ang sumubok na pumasok sa samu’t saring mga investment samantalang 95% ang napupunta sa pang-araw-araw na mga gastusin.
Sa pamamagitan ng PITAKA, kumpiyansa ang BSP masasangkapan ng tamang kaalaman ang ating mga OFW hinggil sa matalinong pagpaplano at pagpapasiya para sa kanilang kinabukasan, ayon na rin sa kanilang mga kakayahan.
Ayon naman kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, sa pagsisimula pa lamang ng panunungkulan ni Pangulong Duterte noong 2016, sinabi nitong kailangang gawing “mandatory” ang financial education para sa ating mga OFW.
Sabi ni Cacdac, itinuturing na flagship program ng pamahalaan ang PITAKA upang higit pang matulungan ang mga OFW at kanilang mga kapamilya na magkaroon ng malalim na kaunawaan hinggil sa tamang paghawak at paggamit ng kanilang mga pera.
Kailangan ‘anyang parehong nagsasakripisyo ang dalawang panig. Hindi pupuwedeng ang mga OFW lamang.
Hinihiling dito ang pakikipagtulungan ng kanilang mga kaanak at kooperasyon sa ating mga OFW.
Biro pa ni Cacdac, kahit pa tawagin anya silang “kuripot”, panahon na upang baguhin nila at gawing positibo ang taguring iyon.
Dagdag pa ni Mario Deriquito, hindi matatawaran ang pagtitiis at pagsasakripisyo ng ating mga OFW upang makapag-ipon at maabot ang kanilang mga pangarap. Kaya naman iniwan niya ang mga katagang ito: “Ipon ay pa-ngalagaan upang Pangarap ay Makamtan”.
Tinuran naman ni SVP Lazaro Jerome Guevarra, miembro ng Board of Trustees ng BDO Foundation, na ito naman ‘anya ang kanilang ambag sa lipunan sa pamamagitan ng patuloy na paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan sa iba’t ibang mga pamamaraan, bukod pa sa napakaraming mga proyektong hatid ng BDO Foundation.
Hangad ng Bantay OCW ang pagtatagumpay ng programang PITAKA, maging sa literal at simbolikal na pakahulugan nito. Na sana’y hindi maubusan ng laman ang PITAKA ng ating mga OFW, bagkus patuloy nilang palaguin ito sa pamamagitan ng pagtataglay ng “pinansiyal na talino at kaalaman”.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.