Kabarong Cerge, babay | Bandera

Kabarong Cerge, babay

- January 20, 2010 - 02:54 PM

HUMINTO ang mga mamamahayag noong Martes, habang tirik ang araw sa katanghalian.  Katatapos lang ng breaking news na nagbabalita ng pagkamatay ni Press Secretary Cerge Remonde.
Marami ang natulala’t nanghinayang.  Natulala, dahil biglaan ang nangyari.  Pumanaw agad si Cerge Remonde.  Walang pagbabadya na siya’y mamamaalam nang ganoon kabilis, kadali.  Biglang-bigla, patay na siya,  Nakatutulala nga sa mga mamamahayag na naghihintay sa kanyang sasabihin sa araw na iyon hinggil sa mahahalagang isyu at mga kalatas mula sa kanya amo.
Yan ang buhay ng mamamahayag.  Kung maaari, oras-oras na pahayag mula sa press secretary.  Sa pahayagan, araw-araw na balita mula sa press secretary.
Tunay na nakapanghihinayang ang biglaang pagkawala ni Cerge Remonde, muli, mula sa mga mamamahayag.  Mabibilang sa daliri, at hindi lalampas sa limang daliri, ang mga kalihim sa pamamahayag sa Malacanang na kaibigan ang trato sa mga mamamahayag na kumokober sa Palasyo, sa araw-araw na ginagawa ng pangulo.
May mga press secretary na nagiging mayabang at lumalaki ang ang ulo kapag nasa puwesto na.  Madali silang mahalata ng mga mamamahayag dahil wala sila ng katangiang hinahanap ng mga kasapi ng media: ang pagpapakumbaba.
Sa pagiging mapagkumbaba, natututong makipag-kapwa-tao ang nakaluklok sa mataas na puwesto.  Sa kanyang pakikipag-kapwa-tao sa mga mamamahayag, nagiging makatao siya.  Ang sukli sa pagiging makato ay pagmamahal.
Mahal ng mga mamamahayag si Cerge Remonde.  Walang ere.  Walang yabang at hindi mababa ang tingin kahit na sa pinakadukhang miyembro ng media.
Siya ang press secretary, kaya ang tawag sa kanya ng media ay “Sir.”  Pero, ang tawag niya sa media ay “boss,” o kundi’y mismong ang pangalan ng mamamahayag, lalo na kung kilala na niya ito.
Nang mawala ang diktadurya, inakala ng mga mamamahayag na magiging bukas na sa kanila Palasyo.  Maling akala.  Dahil may mga kalihim na itinuring ang kanilang puwesto bilaang mataas na luklukan at ang media ay mababang uri na puwedeng di na kausapin at asikasuhin.
Mas mababa ang tingin kapag ang miyembro ng media ay mali-mali o mahina ang “background” sa isyu at umaasa na lang sa press release.
Hindi ganyan si Cerge Remonde.  Nakikisalamuha siya kahit di na oras ng opisina, tulad ng paru-parong itim na dumalaw at nakipaglaro sa ilang mamamahayag habang siya’y nakaburol.

BANDERA Editorial, 012010

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending