NOONG siya ay aktibo pa bilang manlalaro (juniors sa Ateneo at varsity sa La Salle), hindi maitatanggi na crowd-drawer si BJ Manalo. Sikat hindi lang dahil sa kanyang kakisigan (puwede ring sumabak sa showbiz) kundi dahil na rin sa kanyang magandang ugali at siyempre husay sa paglalaro.
Agad naputol ang kanyang karera sa basketbol dahil sa injury sa paa. Hindi siya nakalaro sa PBA bagamat kinuha siya ng Purefoods sa draft.
Isa ako sa nagalak matapos muling makausap si BJ na sa aking huling alam ay naging misyonero upang ikalat ang salita ng Diyos. Isang Christian si BJ na pinakasalan ang kanyang college sweetheart na si Diane Quisumbing. May lima silang magagalang na mga anak.
Matagumpay na negosyante si BJ ngunit dahil nasa dugo ang basketball ay hindi siya tuluyang nawala sa favorite pastime ng mga Pinoy.
Sa pagnanais na tulungan ang mga basketbolistang nasa labas ng mga malalaking liga ay executive director si BJ ng bagong tatag na Quezon City Basketball League.
Matagumpay ang unang salta ng liga at huwag kayong magulat na lalawak ito sa pangunguna ni BJ.
Bisita si BJ at ilan sa mga opisyal ng QCBL noong Huwebes sa lingguhang Usapang Sports ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
At nakatutuwang nagkausap sila ni Carlo Maceda, na utak naman ng Community Basketball Association (CBA) na umaani ng paghanga dahil sa platapormang pagbibigay-pansin sa sa mga manlalarong hindi nabigyan ng pagkakataon sa UAAP, NCAA atbp pang liga.
Nawa’y dumami pa ang inyong lahi, Carlo at BJ.
Korek si Air Jordan
Matagal nang retired ngunit hindi naman talaga nawala sa eksena si Michael Jordan. Siya ngayon ang may-ari ng Charlotte Hornets sa NBA.
Nananatiling nasa headline si Jordan (matagumpay siyang negosyante) matapos niyang madala sa Charlotte, North Carolina ang NBA All-Star Weekend.
Nananatiling ‘‘relevant’’ si Jordan at kung hihingan ako ng paghahalintulad ay tulad din naman siya ni Ramon ‘‘El Presidente’’ Fernandez sa lokal na eksena ng basketbol. Bagamat matagal ng retiro sa PBA, mas kilala ngayon si Fernandez bilang ‘‘Maxi Green’’ at nangunguna siya sa paglaban sa korapsyon sa Philippine sports.
Sa mga hindi nakakaalam, si Maxi Green ay isa sa apat na commissioner ng Philippine Sports Commission na pinamamahalaan ni chairman Butch Ramirez na kilala rin sa kanyang katapatan sa tungkulin.
Sa kanyang pagharap sa media upang ipaliwanag ang kaligayahan sa pagkakapili sa Charlotte, natanong si Jordan sa 31 sunod na larong may 30 puntos o higit pa ang balbas-saradong si James Harden ng Houston Rockets at ang record-breaking na 11 diretsong triple double ni Russell Westbrook ng Oklahoma City Thunder.
Sinabi ni Jordan na mahirap gawin ang mga nagawa nina Harden at Westbrook. Pinuri niya ang dalawa ngunit habang nakangisi ay nagsabing mas mahirap gawin ang anim kampeonatong kanyang nakuha habang nasa Chicago Bulls.
Totoo nga naman at hindi ito pagmamayabang sa parte ni Jordan. Para ano pa ang mgapangsariling marka kung ala namang championship rings?
Magandang pag-isipan ito ng mga basketbolista ngayon. Gumagawa ka nga ng 20 o 30 puntos kada laro ngunit semplang pa rin ang iyong koponan. Ikaw nga ang highest scorer ngunit tameme ka naman sa Playoffs. Magaling kang mag-syut ngunit madali ka rin namang syutan ng iyong katunggali.
Kaya nga bilib rin ako kay LeBron James na ngayo’y nasa Los Angeles Lakers na.
Pinagpawisan ni King James ang triple double ngunit hindi pa rin umubra ang Lakers sa Atlanta Hawks kamakailan, 117-113 sa regular season ng NBA.
Ganito ang sinabi ng seryosong si James.
‘‘At the end of the day, we lost the ballgame. I don’t care what I did individually. I could care less if I’m not winning ballgames. That’s what its all about. I can throw that game in the trash.’’
Sakto. Ang usapan dito, mga kasangga, ay paramihan ng ‘‘Championship rings.’’
Tapos ang usapan!
Talaingod spikers tutulungan ng PSC
Suportado ni PSC chairman William ‘‘Butch’’ Ramirez ang Talaingod girls volleyball team na kinuha ang medalyang ginto sa Batang Pinoy 2019 Mindanao Qualifying Leg. Sasabak ang Talaingod sa mahuhusay koponan mula National Capital Region, Luzon at iba’t iba pang mga kampeon sa darating na Batang Pinoy National Finals.
Lumaro para sa Talaingod ang mga Indigenous Peoples (IP) teenagers na may edad 15 taon pababa.
‘‘I talked to them before the finals saying `Win or lose, you will go to Manila for one week and play with teams from La Salle, Ateneo and UP’. They are champions,’’ ani Ramirez.
Tinalo ng Talaingod ang pambato ng Davao City sa finals noong Pebrero 9 sa University of Mindanao (UM) Tagum gym.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.