Phillip saludo sa pagpapalaki ni Kris kay Joshua

By Cristy Fermin February 19,2019
share this

Phillip saludo sa pagpapalaki ni Kris kay Joshua

By Cristy Fermin February 19,2019
share this


SINASANG-AYUNAN  namin ang naging pahayag ni Kris Aquino na kahit kailan ay wala siyang narinig na anumang hindi-kagandahang salita mula kay Phillip Salvador.

Sa lahat ng nakarelasyon ng aktres-TV host ay ang paghihiwalay nila ni Kuya Ipe ang pinakatahimik, walang alingasngas, nanatili silang magkaibigan.

Tama ang punto ng action star kapag tinatanong ito ng mga reporter, napakaraming paksa na puwedeng itanong sa kanya, huwag na ang nananahimik nilang buhay ni Kris.

Paminsan-minsan ay nahihiram ni Kuya Ipe si Joshua, sasabihin ni Kuya Ipe, “Napakalaki na ng paa ng anak ko, mas malaki pa kesa sa akin! Napakatangkad na ni Josh!”

Kahit naman si Kris, kapag si Phillip Salvador na ang topic, ay tahimik lang. Wala nga naman siyang masasabi dahil kahit minsan ay walang isyung lumalabas na may sinasabing hindi maganda tungkol sa kanya ang action star.

Madalas sabihin ni Kuya Ipe na napakaganda ng ginawang pagpapalaki ni Kris sa kanilang anak, lalo na nga’t nangangailangan ng espesyal na pag-aalaga si Josh, saludo si Kuya Ipe kay Kris.

Kaya maayos ang kanilang paghihiwalay, kaya hanggang ngayon ay nagrerespetuhan sila, kaya walang-wala talagang maikokomentong negatibo si Kris tungkol sa ama ng kanyang anak na si Joshua.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending