ANG pinakamalakas na brand ng kotse sa bansa ay ang Toyota. Sa nakaraang 15-taon ay hawak nila ang dangal na may pinakamaraming kotseng naibebenta sa bansa. Halos lima sa bawat 10 Pilipino ang bumibili ng Toyota na kotse.
Kasunod ng Toyota ang Mitsubishi at ikatlo ang Ford kahit maliit lang ang numero ng produktong Amerikano.
Pero nitong nakaraang mga taon ay dalawang brands ng kotse ang biglang sumirit ang benta at mukhang hinahamon ang posisyon ng Mitsubishi at Honda. Hindi ko na isinama ang Toyota sa bakbakang ito dahil masyadong malayo ang lamang nila sa lahat, pero kung maayos ang gagawing trabaho ng dalawa ay maaaring pasa-kitin nila ang ulo ng pack leader.
Ang tinutukoy ko ay ang Nissan at Suzuki. Sa matagal na panahon ay nakalugmok sa ilalim ng bilangan ang dalawang ito at halos hindi makita ang numero ng benta nila. Pero nitong nakaraang dalawang taon ay biglang nasa top-5 sila sa benta ng kotse sa bansa.
Ang Suzuki dati ay sikat lamang sa motorsiklo. Sa katunayan, sila ang isa sa pinakamalaking benta sa mga brands ng motor sa bansa, kasabay ang Kawasaki, Yamaha at Honda.
Pero mula ng hawakan ng kaalis lang na si Shuzo Hosikura ang Suzuki Cars ay biglang parang sinindihan ng apoy ang kanilangf produkto at biglang sumiklab at kumalat sa merkado. Sa totoo lang, napakagandang mga kotse ang bigay ng Suzuki kaya hindi malayong magustuhan ito ng Pilipino. Ang Jimny at Vitara ay mahusay ang reviews at maganda rin ang disenyo.
Sa kabilang banda, ang Nissan naman ay dati nang sikat na kotse sa bansa. Ang kanilang Sentra at Cefiro ay bestseller noong 70’s at 80’s. Sikat din ang Nissan sa kanilang aircon na tinawag na pinakamalamig sa lahat ng mga kotse.
Ang naging problema ng Nissan ay ng maging dalawa ang kanilang distributor sa bansa, ang Universal Motors Corp. (UMC) at ang Nissan Motors Philippines Inc. (NMPI) na nagaagawan sa produktong ibebenta nila sa bansa.
Subalit ng alisin ng Nissan global ang mga ito at sila na mismo ang nagkusang ibenta ang brand sa bansa ay naging mainit ang pagtanggap ng mga Pilipino sa kotse nila. Ito ay bunga na rin ng streamlined operation na unang isinakatuparan ni Toti Zara at itinuloy ni Ramesh Narasimhan.
Sa kasalukuyan ay ikatlo na ang Nissan sa pinakamadaming nabentang kotse sa bansa. Nalampasan na nila ang Hyundai, Ford at Isuzu. Maging ang Suzuki ay nasa top five na rin at nalampasan na ang mga better established brands dati.
Dito ay makikita na hindi basta pangalan at laki ang basehan ng tagumpay. Mas epektibo ang pagaaral at sipag sa trabaho para makamit ang tagumpay.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.