HINDI binigo ni Bornok Mangosong ng Davao City ang kanyang mga tagahanga matapos pagharian ang pro open class sa unang yugto ng MX Messiah Fairgrounds (MMF) Supercross 7 kamakailan sa MMF, Club Manila East, Taytay Rizal.
Sa kabila ng aberyang dulot ng pagkasira ng Yamaha bike Yz450f 2016 ni Mangosong ilang oras bago ang pro open class, hindi nawalan ng kumpyansa at ng pokus ang Dabawenyo. Kailangang humiram si Mangosong sa race boss na si Sam Tamayo ng Yamaha Yz250fx 2018 upang makalahok sa karera.
Gamit ang walang takot na estilo, inungusan ni Mangosong ang batang mandirigmang si Ompong Gabriel upang kunin ang unang puwesto.
“Talagang pokus lang at wag kang kabahan. Nung nakita ko ng hindi na talaga gumagana yung bike, nag-iisip na ko ng mahihiraman kasi gusto ko pa din kumarera. Kung akin, akin. Kung di naman, ganon talaga. Pero mahalaga ay pokus ka pa din,” sabi ng 27-anyos na si Mangosong.
Gagawin ang ikalawang yugto ng serye sa Marso 3.
Nagpasiklab at nanalo rin sina Joseph Penaso sa Open Local Two Stroke Enduro, John Kenneth Saligao sa Amateur Production, Roman Llorente sa Executive Production at Michael Tschop sa Amateur Open Production.
Muli rin nasaksihan ang pagkarera ng moto legend na si Jolet Jao sa pro open kontra sa mga batang pro riders. Hindi man nagwagi sa open ay nagbida naman si Jao sa veterans class ng unang leg.
Iniuwi din nila Abdul Heiz Sandani ang tropeyo ng Beginners Open Production at ng Power Enduro habang hindi rin nagpahuli sa bakbakan si Lad Bucag na nawagi sa Open Underbone at Local Enduro 4-Stroke.
Wala pa ring kapantay si Pia Gabriel na nanguna sa ladies class habang si Shana Tamayo naman ang nag-uwi ng korona sa Girls division (age 12 and below).
Ang serye ay inorganisa ng MMF at suportado ng Shell Advance Motorcycle Oil, Yamaha Motor Philippines, Fox Racing Philippines, Coffee Grounds, Dunlop Tires, at Richbian Taxi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending