Ronda Pilipinas 2019 title abot-kamay na ni Mancebo
NAGAWANG dikitan ni Tour de France veteran Francisco Mancebo Perez ng Matrix Powertag Japan ang mga humahabol sa kanya sa Stage Four na napagwagian ni Jamalidin Novardianto ng PGN Road Cycling Team kahapon para manatiling nasa itaas ng LBC Ronda Pilipinas 2019 na nagsimula at nagtapos sa El Pueblo sa Roxas City nitong Lunes.
Natutukan ng 42-anyos na si Mancebo sina defending champion Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance at Dominic Perez ng 7-Eleven Cliqq-Air 21 by Roadbike Philippines para magtapos na kasama sa peloton na napag-iwanan ng 42 segundo sa likod ng stage winner na si Novardianto na naorasan ng tatlong oras at 37.53 minuto.
Bunga nito, napanatili ng Tour de France veteran na si Mancebo ang pangunguna sa individual general classification sa natipong kabuuang oras na 16:01:21 o lamang ng 3:52 kay Oranza at 3:55 kay Perez.
Ang iba pang nakapasok sa top 10 ay sina Jan Paul Morales ng Navy (4:35), Sano Junya ng Matrix (4:53), Joo Dae Yeong ng Korail Korea (4:58), Irish Valenzuela ng 7-Eleven (5:20), Mark Julius Bordeos ng Army-Bicycology (5:20), at ang 7-Eleven riders na sina Rustom Lim at Arjay Peralta (6:13).
Dahil sa laki ng kanyang kalamangan sa oras, abot kamay na ng Spanish rider ang korona papasok sa ikalima at huling stage na isang 148.9 kilometrong lap na magsisimula sa Roxas City at magtatapos sa Pandan, Antique ngayong Martes.
Bagamat mukhang kumportable na sa kanyang kalamangan si Mancebo hindi naman nakakasiguro ang kanyang koponan sa bentahe nito sa team classification dahil nadikit pa rin sa kanila ang 7-Eleven at Navy.
Matapos ang apat na stage, ang Matrix ay may nalikom na kabuuang oras na 48:15:52 na angat lamang ng 2:05 sa 7-Eleven at 2:49 sa Navy.
Kaya naman inaasahan na raratsada ang 7-Eleven riders at Navymen para maabutan si Mancebo at ang Matrix sa Stage Five.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.