Robin: Sa edad natin nalalapit ka na sa lupa, lahat po tayo diyan pupunta
Ilang beses na palang nagpasabi si Robin Padilla na retired na siya sa showbiz dahil sa kanyang edad.
Gusto naman niyang asikasuhin ang kanyang pamilya at negosyo. Sa mga hindi pa nakakaalam, may palayan ang magkakapatid na Padilla at ang aktor ang isa sa hands-on dito.
“Sa pamilya po iyon, pag-aari ng mahal kong ina (Eva Cariño) at kaming magkakapatid ang naatasang mag-asikaso. Minana na po namin ‘yan sa mga ninuno sa mother side at aking pong lolo si Rufino Cariño na well-known farmer sa Nueva Ecija, siya po si Apo Lakay. Puro palay po lahat ang nakatanim doon, sa bigas po kami, ‘yan ang linya namin,” sabi ng aktor.
May isa pang farm si Robin, “Sa M’lang, Cotabato, rubber naman po ang nandoon.
“Kaya po farming ang napili ko kasi pag ganitong edad na kasi, nalalapit ka na sa lupa, lahat po tayo diyan pupunta kaya napakahalaga sa akin ng farming kaya ngayon palang gusto ko ng maging kaibigan ang lupa, diyan ako pupunta baling araw. Parte po iyon ng pananampalataya dahil galing tayo sa lupa at habang nagsasaka tayo, we are worshipping God.
“Kaya hangga’t maaari pinagyayaman ko ang pagtatanim, kaya lahat ng pagbabago o update tulad ng mga gamit, kailangan nating mga magsasaka, tulad nitong Adamco na distributor ng agricultural equipment nang i-offer sa akin ay hindi na sila nagdalawang salita dahil kailangan nating lahat.
“Sabi nila kalabaw lang ang hindi tumatanda, pero aminin natin na kailangan nating pangalagaan ang mga hayop, hindi lang laging aso, pusa.
“At kaya ko nagustuhan itong Adamco dahil sila lang ang may modern agricultural technology. Imagine hindi mo na kailangang mag-drive o maski wala ka sa bukid, malalaman mo at monitored mo dahil sa GPS/Smart assist mula sa Yanmar na kilalang Japanese tractor sa Japan,” mahabang kuwento ni Robin.
Inamin din ng aktor na umorder siya ng Adamco-Yanmar tractor para sa farm niya.
Tanda namin, mahilig ding magtanim si Mariel Rodriguez ng mga gulay at prutas sa paso na inilalagay niya sa bakuran ng bahay nila para hindi na siya bibili pa.
Akala namin ay hobby lang ito noon ni Mariel dahil wala pa si Isabella sa buhay nila ni Robin, hindi pala.
Sa ngayon ay sa mga tanim na siya pumipitas para sa mga inuulam nilang gulay.
Kuwento ni Robin, “Sa paniniwala ko, pati ng asawa ko, lahat kami organic farming ang ginagawa. Tagal na naming advocacy ito, ako po talaga sa pagsasaka at ito ang gusto kong gawin sa buhay ko.
“Sa katunayan ay ilang beses kaming umalis (ng bansa) kasi nag-aral kami ng iba’t ibang organic farming sa abroad, ito talaga ‘yung direksyon na gusto naming puntahan kaya lang marami pa rin ang kumukuha sa atin (sa showbiz),” ani Binoe.
Tulad ng sinabi ng aktor, hindi natutuloy ang pagre-retire niya dahil marami pa siyang pelikulang gagawin na pawang pakiusap ng mga kaibigan tulad na lang ng “Marawi (Children of the Lake)”. May pelikula rin sila nina Aga Muhlach, Daniel Padilla at Empoy.
Bukod dito, may gagawin pa silang project ni Regine Velasquez at kinausap na rin siya ni Boss Vic del Rosario para gawin ang project na parang local Marvel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.