Davao City, overall champion sa Batang Pinoy Mindanao qualifier
2019 Batang Pinoy Medal Tally (LGU – Golds+Silvers+Bronze=Total Medals): Davao City (56+39+58=152); Cagayan de Oro (33+23+42=98); General Santos City (27+33+31=91); Davao del Norte (24+25+24=73); Koronadal City (22+12+9=43); South Cotabato (20+24+20=64); Cotabato Province (19+13+9=41); Zamboanga City (15+20+28=63); Iligan City (14+21+29=64); Tacurong City (14+13+11=38)
DAVAO del Norte – Hindi napigilan ang Davao City na muling angkinin ang pangkalahatang kampeonato Sabado matapos pagharian ang kabuuang 14 sa pinaglabanang 20 sports sa pagtatapos ng Mindanao Qualifying Leg ng 2019 PNYG-Batang Pinoy na ginanap sa loob at labas ng Davao del Norte Sports and Tourism Complex dito.
Maliban sa resulta ng indoor volleyball na pinaglalabanan ng Davao City at Talaingod sa UM Tagum Gym, hindi na maaabot pa ang Davao City na kinolekta ang kabuuang 56 ginto, 39 pilak at 58 tanso para sa pangkalahatang 152 medalya sa pagtatapos ng isang linggong torneo na suportado ng STI Tagum at Alfalink Total Solutions.
Nalampasan ng Davao City ang inuwi noong nakaraang taon na kabuuang 54 ginto sa pagdomina sa sports na archery, arnis, athletics, boys baseball at basketball, chess, dancesports, futsal (girls U15, u13 at boys U15), karatedo, taekwondo, lawn tennis, boxing, beach volleyball at ang medal rich na swimming.
Kinolekta ng Davao City ang mga ginto sa archery (5), arnis (7), athletics (6), baseball (1), basketball (1), chess (2), dancesports (1), futsal (4), karatedo (7), swimming (17), taekwondo (3) at tennis (2) upang agad ibulsa ang ikatlo nito na pangkalatahang titulo sa nakalipas na apat na edisyon ng multi-sports na torneo.
Pinakahuli naman na nakapagwagi ng apat na gintong medalya si Aaron Gumban ng Sto. Tomas, Davao del Norte matapos idagdag Sababo ng umaga ang 1,500m run sa tinakbo na 4:37.90 bago nakipagtulungan kina Frits Gian Anasco, Dominic John Gorre at Jomel Mosquiter sa itinalang 3:56.99 oras sa 4x400m relay sa athletics.
Nagwagi naman ng tatlong gintong medalya ang mga kakampi nito na sina Mosquiter at Gorre. Nagwagi si Mosquiter sa boys 110m hurdles (15.83) at high jump (1.52m habang si Gorre sa boys 400m run (54.54) at 800m (2:11.54).
Tatlong ginto rin ang inuwi ni Bea Burbe ng Davao City na nagwagi sa girls 100m (13.31), 200m (27.86) at 4x400m (4:32.55) kasama sina Princess Nina Chryszel Arias, Lissel Bajenting at Kate Duffy McDowell.
Unang nakakuha ng dalawang ginto sa athletics si Gumban sa 2000m steeplechase sa 7:06.11 oras matapos iuwi ang unang ginto sa athletics sa 5000m run.
Dalawang ginto rin ang inuwi ni Jeanky Damina ng General Santos sa athletics sa pagwawagi sa girls high jump (1.35m) at girls 800m (2:11.54) at Febie Joy Mancera ng Hagonoy, Davao fel Sur sa pagwawagi sa girls discus throw (28.28m) at girls shotput (9.66m). Dalawa rin kay Rona Bacus sa triple jump (11.01m) at long jump (4.77m).
Una nang humakot ng pitong ginto ang si John Carlo Loreno ng Koronadal City sa archery, Lisa Margaret Amoguis ng Davao City na may limang ginto sa swimming at John Alexander Talosig ng North Cotabato na may anim na ginto din sa swimming at Precious Micah Basadre ng Koronadal City na may limang ginto sa archery.
Ikalawa naman ang Cagayan de Oro sa 33 ginto, 23 pilak at 42 tanso para sa kabuuang 98 medalya habang ikatlo ang General Santos City sa tinipon na 27 ginto, 33 pilak at 31 tanos para sa kabuuang 91 medalya. Ikaapat ang Davao del Norte na may 24 ginto, 25 pilak at 24 tanso para sa kabuuang 73 medalya at ikalima ang Koronadal City sa tinipon na 22 ginto, 12 pilak at 9 tanso para sa kabuuang 43 medalya.
Ang Batang Pinoy ay bahagi ng grassroots sports program ng Philippine Sports Commission na layong humubog ng mga dekalidad na atleta balang araw para sa mga pambansang koponan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.