Singil sa kuryente tataas ngayong buwan
TATAAS ng P0.5682 kada kilo Watt hour ang singil ng Manila Electric Company ngayong buwan.
Mula sa P9.8385 noong Enero, ang kada kWh ngayong buwan ay magiging P10.4067.
Nangangahulugan ito ng dagdag na P114 sa bill ng kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Tumaas ang generation charge o ang gastos sa paggawa ng kuryente mula P4.9119 kada kWh ay naging P5.8939 o pagtaas na P0.9820/kWh.
“The generation charge increase is primarily due to higher charges from plants under Power Supply Agreements and Wholesale Electricity Spot Market,” saad ng Meralco sa isang pahayag.
Tumaas ang singil sa Wholesale Electricity Spot Market ng P1.4141/kWh dahil sa mas mababang suplay bunsod ng maintenance outage ng mga planta ng kuryente.
Bumaba naman ng P0.0042/kWh ang kuryente mula sa Independent Power Producers dahil sa paglakas ng peso kontra dolyar.
Bumaba rin ang transmission charge sa mga residential customer, buwis at iba pang singilin ng kabuuang P0.4138/kWh.
Hindi naman nagbabago ang distribution charge na napupunta sa Meralco mula pa noong Hulyo 2015.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.