Solon, iba pa inireklamo sa overpriced relief goods para sa Marawi
INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman ang isang kongresista at mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development Region 12 kaugnay ng overpriced na relief goods para sa mga biktima ng gera sa Marawi City.
Sa inihaing reklamo ni Berteni Causing dapat umanong kasuhan ng plunder at graft sina South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez, DSWD Region 12 Regional Director Bai Zoraida Taha, Rohaifa Calandaba, accountant ng DSWD Region 12, Jackie Lao, chairperson ng Bids and Awards Committee, Emerita Dizon, Vice Chairperson ng BAC at Mohammad Fayez Sarip, provisional member ng BAC.
Isinama rin sa kaso ang mga stockholder ng Tacurong Fitmart Inc., na sina Maria Virginia Villaruel, Derrick Villaruel, Deangelo Villaruel, Dexter Villaruel, at Ramona Ang, kung saan umano binili ang mga overpriced na relief goods.
Nadawit si Hernandez sa kaso dahil siya ay kapatid ni Maria Virginia. Sa kanyang bahay din umano ginawa ang repacking ng mga relief goods.
Noong Hunyo 5, 2017, nakuha ng Tacurong Fitmart ang P7 milyong kontrata para sa hygiene kit. Muling bumili ng hygiene kit ang DSWD noong Hulyo 24, 2017 na nagkakahalaga ng P10.7 milyon.
Noong Setyembre 22, 2017 ay ibinigay ng DSWD-12 ang supply contract sa Tacurong Fitmart na nagkakahalaga ng P77.5 milyon. At ang naturang kompanya rin ang nakakuha ng P31.8 milyong kontrata para sa kitchen kit noong Oktobre 11, 2017.
Nagkakahalaga naman ng P589.1 milyon ang kontratang nakuha ng kaparehong kompanya noong Nobyembre 17, 2017 para sa pagbili ng family food pack.
Ayon sa reklamo, sa halip na bumaba ang presyo dahil bultuhan ang pagbili ay mas lalo pang tumaas ang halaga na binayaran ng DSWD-12.
Hiniling sa Ombudsman na suspendihin ang mga inirereklamo upang hindi maimpluwensyahan ang kaso alinsunod sa batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.