NANALAYTAY nga ba sa dugo ng Pinoy ang pakiramdam na palaging naaapi at hinahayaan na lamang silang abusuhin?
At kung sakaling nagkaroon ng lakas-loob na makapag-reklamo o makapagsumbong, sinasakbat naman ito ng takot at sangkatutak na nerbiyos at sa bandang huli pa nga, iuurong na lamang ang kaniyang nasimulan.
Ito ang madalas na problema ng mga OFW. Maituturing na kasing OFW kahit nag-aaplay pa lamang para makapagtrabaho sa ibayong dagat, kahit niloloko na ang mga ito, dito pa lamang sa Pilipinas.
Gayong nagkalat na ang mga tumpak na impormasyon hinggil sa pangingibang-bayan, marami pa rin ang nabibiktima at naloloko.
Maaaring isang lisensiyadong ahensiya nga ang kaniyang inaaplayan pero pawang ilegal naman ang mga ginagawa nito.
May mga magagaling na mga indibidwal din naman ang naglipana at paisa-isang nakakakuha ng kanilang biktima gamit ang matatamis na mga pananalitang pang-engganyo na tipong kapani-paniwala naman at mahirap tanggihan.
Dati-rati, nang wala pa ang makabagong teknolohiya, napakaraming naloloko. Kulang kasi sila sa tamang mga impormasyon.
Madali silang mapapaniwala dahil mahirap nga naman noong mga panahong iyon na makakuha ng tumpak na mga kasagutan.
Pero ngayong mulat na mulat na ang tao sa galaw ng mundo, halos imposible na ngang may maloko pa pagdating sa tamang proseso ng pangingibang-bayan. Pero hindi ganoon ang nangyayari. Marami pa rin ang nabibiktima dahil sa kapos at kulang sa kaalaman ang mga ito.
Kahit sabihin pang nagtanong nga sila, pero mali naman ang napagtanungan at ang impormasyong nakuha, mali din.
Marami pa rin ang nagbubulag-bulagan sa mga proseso na ipinagagawa sa kanila ng mga recruitment agency o ilang illegal recruiter gayong sa pakiwari naman nila may mali sa kanilang ginagawa. Pikit-matang sunud-sunuran na lamang ang mga ito at buo ang pag-asang kung magtitiis lamang sila at hindi na magrereklamo, maaaring mapaalis pa rin sila at matutupad ang pangarap na makapagtrabaho sa abroad at kumita ng dolyar.
Maling mga kaisipan na siyang pinanghahawakan ng mga abusadong recruiter dahil alam na alam nila kung paano mag-isip ang kanilang mga biktima, kaya patuloy na napagsasamantalahan ang kahinaan ng kanilang mga aplikante.
At kapag may nagreklamo na, sila pa ang takot na takot.
Gayong sila ang tunay na mga biktima, sila pa ngayon ang tinatakot.
Lahat gagawin nila upang panghinaan ng loob ang OFW na iurong na lamang ang reklamo at kalimutan na lamang ang panloloko sa kaniya at mag-move on na lamang saka hahanap ng ibang mapag-aaplayan.
Iyan ang tunay na kalagayan ng ating mga OFW lalo pa ang mga first-timer, kaya paikot-ikot lamang ang siklo ng pang-aabuso. Kapag walang magrereklamo, tuloy ang ilegal na mga gawain.
At kapag naireklamo na, gagawin ang lahat upang malusutan ang asuntong kinahaharap, gagamitin ang pera at koneksyon hanggang sa mabalewala ang kaso at “business as usual” na naman.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napaki-kinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.