HINDI sila kabilang. Kung kabilang sila, kasama sana natin sila. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (1 Jn 2:18-21; Sal 96:1-2, 11-13; Jn 1:1-18), sa kapistahan ni San Silvestre 1, ika-7 araw sa pagdiriwang ng Pasko.
“No escape from reality. Open your eyes. Look up to the skies and see,” ayon sa Bohemian Rhapsody, awit ng Queen. Sinabi ng tagapagsalita ng MMDA na bukas sila sa suhestiyon na ipagbawal ang motorsiklo sa EDSA, dangan nga lamang at mangangailangan ito ng mahabang talakayan. Kung gayon, wala nang fastfood delivery, banko at messengerial services; maging motorcycle unit ng MMDA, HPG at PSG sa EDSA? Anlupet!
Sa Cebu City, ipinaglalaban ni Tom Osmena ang karapatan at kapakanan ng mga nakamotor at Angkas. Sa Metro Manila, wala pang politiko na magpapakamatay para sa kanila, isang sektor ng mahirap na marangal na naghahanapbuhay. Bago mag-Pasko, pinatay na ng rebeldeng Danilo Lim at LTFRB ang kanilang hanapbuhay kaya nagugutom ang pamilyang ipinagdiwang ang Dakilang Pagsilang ni Jesus – hanggang Bagong Taon.
Kapag TNVS na wala ring prangkisa ay puwede; motor hindi. Paanyaya ito ng pag-aalsa ng riders. Huwag igalang ang rebeldeng Danilo Lim. Huwag iboto ang mapaniil na mga politiko. Mag-alsa laban sa kanilang mga kasinungalingan na kapag rider, masama. Di naman agad matatanggalan ng mga riders ang gobyerno ng kontrol sa poder, pero sa pasikut-sikot ay makararating din doon.
Ang taumbayan ay nasa likod ng Angkas, ng riders. Tulad ng habal-habal at skylab sa mga liblib ng Mindanao, walang nagawa ang LTFRB dahil ito ang transportasyon ng taumbayan, lalo na sa emergency cases na kailangang dalhin agad sa ospital. Sa awit ni Jim Morrison na Riders On The Storm, kayang tawirin ang unos na dulot ng gobyerno. Unlawful motorcycles-for-hire of today, lawful motorcycles-for-hire tomorrow.
Gobyerno’t politiko ang kalaban ng riders. Ang mga nakamotor, kanilang pamilya’t mga kamag-anak at kapitbahay at ang commuters na nawalan ng masasakyang agad na makararating sa patutunguhan ay malaking puwersa sa eleksyon. Huwag iboto ang mapang-api. Huwag igalang ang rebeldeng Danilo Lim. Ang pangangailangan ng commuters ay hindi ibinibigay.
Para kay Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin, ang bully ng maka-Diyos na Ateneo ay dapat gulpihin hanggang mawalan ng ulirat.
Isa pang maka-Diyos, ang UST, ay pumatay ng law student. Nag-aanyong matino at marangal ang demonyo sa unibersidad ng mga Heswita’t Dominicano. Sa UST noon, pinatay din ang ROTC cadet, na ang bangkay ay lumutang sa likod ng Quinta market. Taon ng bully and 2018.
Sana naman, ngayong 2019, managot na sa batas sina Aquino at Abad sa paglustay ng pera natin. Mga gurami lang ang nakademanda. Malinaw ang sinabi ng Supreme Court sa mga eskandalo ng DAP at PDAF. Sana naman, di lang si Napoles ang nasa selda. Nasaan si Roque, atbp., na nangolekta rin ng pera ng taumbayan at ibinigay ang malaking bahagi sa mga senador at kongresista? Sus, matatabunan ito ng eleksyon, anang senadora.
Singkad ang abuse of the clergy noong 2018. Bakit mas lalong dumagsa ang mga nag-simbang gabi sa siyam na araw? Sapat ang mga batas ng tao para litisin ang nagkasalang mga pari/obispo. Lilitisin pa sila at hindi pa huhusgahan. Sa mga kolum at social media, nahusgahan na sila at kondenado na.
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Santo Cristo, Baliwag, Bulacan): Dahil Taon ng Kabataan, hinihikayat ng simbahan ang senior citizens na tumulong, kumbidahin sila at lumahok sa mga gawain ng simbahang Katolika. Madaling sabihin, mahirap gawin. Malaki na ang agwat ng kabataan at senior citizens. Para sa seniors, kailangan pa nilang makipagkaibigan sa mga naligaw ng landas. Mahirap. Paano pa kaya kukunin ang kanilang tiwala sa nakatatanda?
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Wawa, Balagtas, Bulacan): New Year’s resolution? Walang mangyayari riyan. Lumingon ba sa 2018 bago hinarap ang 2019? Isinama ba si Jesus noong 2018 at isasama rin ba ang Santatlo sa 2019? Si Maria ang tampok sa mga unang araw ng 2019. Bakit di siya kasama?
PANALANGIN: Panginoon, tulungan mo silang magmahal sa naghahanapbuhay na riders. Banal na pangalan ni Jesus, ipanalangin Mo kami.
MULA sa bayan (0916-5401958): Inday Sara, kailan ba darating dito si Trillanes? …7670, Talomo Proper, Davao City
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.