Kim Chiu: Hindi lang lalaki ang nagloloko, minsan marupok din ang mga babaeng tulad ko!
“NAPAKA-SELFISH ko naman kung mas gusto ko ng award!”
Ito ang diretsong pahayag ni Kim Chiu sa tanong kung ano ang mas pipiliin niya box-office o best actress award para sa pelikulang “One Great Love” na entry ng Regal Films sa 2018 Metro Manila Film Festival na nagsimula na kahapon, Dis. 25.
“Mas gusto ka na lang na kumita ang movie namin para everybody happy. Kasi kung award, parang ako lang ‘yung masaya,” dagdag ni Kim nang makapanayam ng entertainment media pagkatapos ng premiere night ng “OGL” last Saturday.
Pero walang kiyems, puwede talagang manalo ng best actress si Kim sa gaganaping awards night ng 2018 MMFF sa Dis. 27 sa The Theater, Solaire.
Sabi nga ng mga nakapanood din ng isa pa sa MMFF entry na “Rainbow’s Sunset”, posibleng si Ms. Gloria Romero ang mahigpit na makakalaban ni Kim sa pagka-best actress.
Ibang-iba kasi ang karakter ni Kim sa “One Great Love” bilang si Zyra na naging palaban sa halikan at love scene sa dalawa niyang leading man, sina Dennis Trillo at JC de Vera. Katwiran niya, “Gusto kong mapatunayan na hindi lang ako puro patawa, loveteam-loveteam, jolly-jolly, sana ma-appreciate nila si Zyra.”
Dagdag pa ni Kim, “Kaya kinakabahan po talaga ako sa pagsisimula ng MMFF, gusto ko lang may matutunan sila sa pelikulang ito. Hindi siya funny movie pero it’s something na may matututunan kayo sa larangan ng pag-ibig.”
Sa pelikula ay namangka sa dalawang ilog ang aktres at kaya rin niya nagustuhan ang role ay, “Para maiba naman, hindi puro lalaki lang ang laging marupok, minsan ang babae marupok din. Point of view ito ng babae.”
Hindi rin itinanggi ng Kapamilya TV host-actress na nahirapan siyang gawin ang mga kissing scenes niya sa movie dahil nahihiya raw siya.
“Siyempre hindi naman madali na makikipag-kiss ka sa dalawang lalaki, ‘yung iba-ibang maki-kiss mo. Talagang nahiya ako, pero gusto ko kasi para maiba naman. Nu’ng kinunan ‘yun hindi pa kami nag-uusap (nina JC at Dennis), acting-acting lang talaga. Pero ngayong ganito kami ka-close, siguro mahihiya na ako,” kuwento ni Kim.
q q q
Kasama ni Kim sa special screening ng “OGL” na ginanap sa Director’s Club ng SM Megamall ang papa niya na lumuwas pa mula sa Mindoro.
“Very supportive si papa, sabi ko nga ‘wag siya mabibigla sa pelikula, e, sabi niya, okay lang daw matanda na ako, kaya ko na,” natawang sabi ng dalaga.
Kapag si direk Eric Quizon talaga ang gumawa ng pelikula, asahan mong sosyal ang mga location tulad ng magagandang bahay o mansyon, breathtaking views, at may pa-yate pa. Magastos siyang direktor dahil mahal ang upa ng mga nabanggit na facilities at depende pa kung ilang shooting days inabot ang pelikula.
Refreshing para sa amin ‘yung eksena nila sa farm at may mountain view pa. Pansin din naming hindi gasgas ang mga location ni direk Eric. ‘Yung iba kasi halatang paulit-ulit nang nagamit sa teleserye at pelikula ang bahay o lugar, iniiba lang ang anggulo.
Feel din namin ‘yung karakter ni direk Eric na kasama rin sa kuwento na walang ginawa kundi magluto kaya takam na takam kami sa mga niluluto niyang steak.
Anyway, kung magaling si Kim sa movie, hindi rin nagpahuli sina JC at Dennis sa acting dahil may kanya-kanya rin silang hightlights.
Nalaman namin na hindi pala alam ni Kim na sina JC at Dennis ang magiging leading man niya sa “OGL” dahil una siyang na-cast, “Nalaman ko lang na sila ang makakasama ko after ng ilang weeks.
Ipinanalangin ko na lang nu’ng tinanggap ko ang project sana maging okay kami, okay ang makakasama ko kahit sino. Tapos sila pala, ang saya!” say ng aktres.
Kasama rin sa pelikula sina Marlo Mortel, Nina Dolino at Miles Ocampo bilang prangkang kapatid ni Kim.
Showing na ngayon sa mga sinehan ang “One Great Love” mula sa Regal Films.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.