Anne pinahirapan nang bongga sa ‘Aurora’, pang-Hollywood ang epek
PINALAKPAKAN ng madlang pipol ang pelikula ni Anne Curtis na kasali sa 2018 Metro Manila Film Festival, sa ginanap na premiere night last Wednesday sa SM Megamall cinema 1.
Bukod kay Anne, dumating din sa red-carpet premiere ng suspense-horror film na “Aurora” ang mga co-stars niyang sina Marco Gumabao, Arnold Reyes, Andrea del Rosario, Sue Prado, at ang baguhang child star na si Phoebe Villamor na gumanap na kapatid ni Anne sa movie. Sinuportahan din ng iba pang Viva artists ang premiere night ng “Aurora” sa pangunguna ni Yassi Pressman.
Tinapos talaga namin ang pelikula at hindi kami nagsisi sa huli dahil na-enjoy namin ang binansagang “elevated horror movie” ng taon na tinapatan din ng “elevated” acting ni Anne na talagang kinarir ang bawat buwis-buhay na eksena sa ilalim ng dagat ng Batanes.
Totoo ang sinabi ni Anne at ng direktor ng movie na si Yam Laranas, after n’yong mapanood ang “Aurora” kakaibang feeling ang mararamdaman paglabas ng sinehan. Maraming maglalaro sa inyong isipan at hanggang sa pag-uwi ay bitbit mo ang mga hirap at takot na pinagdaanan ng karakter ng TV host-actress, pati na rin ng kanyang kapatid sa kuwento.
Ilang beses din kaming napasigaw, kasabay ng pagtili ng iba pang nanood sa mga eksena kung saan isa-isa nang nagpapakita ang mga taong namatay matapos maaksidente ang barkong sinasakyan nila.
Pero bukod dito, mas nakakatakot at nakakaka-disturb kapag nalaman n’yo na kung bakit nagmumulto ang mga pasahero ng barkong “Aurora”.
Hindi rin kami magtataka kung manalo si Anne biang best actress sa MMFF 2018 Gabi ng Parangal na gaganapin sa Dec. 27. Sabi nga namin, “elevated” din ang acting niya rito at deglamorized din ang itsura niya sa movie kaya ibang-iba ito sa mga past movies niya na sosyalera at glamorosa.
Makapigil-hininga din ang mga underwater scenes nina Anne at Phoebe na talagang buwis-buhay, kung bakit, hindi na namin idedetalye para panoorin n’yo sa darating na Pasko.
Kung matatandaan, 10 years ago ay nanalong best actress si Anne sa 2008 MMFF para sa pelikulang “Baler.” And aside from Anne, malakas din ang laban ni Yam Laranas para sa best actor category dahil kinarir din nito ang lahat ng aspeto ng pelikula, mula sa kuwento, production design hanggang sa musical scoring na mala-Hollywood ang quality dahil nga sa Sweden pa ito ipinagawa.
Bumilib din ang lahat ng nakapanood sa “Aurora” sa special effects na inilagay dito, lalo na ang barkong ginamit nila na bumangga sa isang malaking bato sa dagat ng Batanes.
Showing na sa Dec. 25 ang “Aurora” mula sa Viva Films at Aliud Entertainment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.