ACTUALLY hindi pa ito final. Pero dahil naglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order o TRO sa TRO naman ng Mandaluyong Trial Court sa utos ng LTFRB na ipagbawal ang operasyon ng Angkas app e bawal muna siya.
Nalito ba kayo? Ganito iyon— nung nakaraang taon ay nagsagawa ng crackdown ang LTFRB sa mga public transport systems na walang prangkisa sa kanila. Ito ay dahil lahat ng uri ng pampublikong sasakyan ay dapat kumuha ng prangkisa mula sa LTFRB. Nasa batas ‘yan.
Diyan tinamaan ang mga bagong uri ng public transport tulad ng Uber, Grab at Angkas.
Sa simula ay pumalag pa ang mga ito subalit makaraang kampihan ng mga korte ang LTFRB ay napilitan din kumuha ng prangkisa ang mga ito. Dito ipinanganak ang Transport Network Vehicle System o TNVS.
Subalit nang mag-apply ang Angkas dahil hinuhuli na sila ng mga otoridad ay hindi ito inaprubahan ng LTFRB.
Sa memorandum, sinabi ng ahensya na bawal ang motorsiklo bilang uri ng public transport base na din sa isang department order.
Umapela sa korte sa Mandaluyong ang Angkas at noong nakaraang April ay naglabas ng TRO kontra sa LTFRB ang korte sa Mandaluyong.
Sabi ng korte, hindi malinaw ang batas kaya walang karapatan ang LTFRB na pigilan ang operasyon ng Angkas. Ang LTFRB umano ay sakop lamang ang mga sasakyan na may apat na gulong tulad ng mga kotse at bus, habang ang mga local government naman ang may sakop sa tatlong gulong tulad ng tricycle.
Walang sinasabing batas na sumasakop sa motorsiklo at hindi rin ito sakop ng LTFRB kaya inilabas ng korte ng Mandaluyong ang TRO.
Ang ganang atin, kailangan muna mailatag ng Angkas ang responsibilidad nila sa mananakay bago sila mabigyan ng permiso na mag-operate. Dahil kung walang reglamento sa negosyo nila, nasaan ang proteksiyon ng commuter na nagbibigay sa kanila ng pera?
Kailangan natin tandaan na ang motorsiklo ang isa sa pinakadelikadong uri ng sasakyan sa lansangan. Exposed ang sakay nito at anumang uri ng aksidente ay agad tatamaan ang katawan ng sakay ng motorsiklo na maaaring magdulot ng fatal injury sa mga ito.
Kung papayagan ang negosyo ng Angkas, nasaan ang mga regulasyon na maglilista ng mga responsibilidad ng Angkas sa parokyano nila? Tulad na lamang ng kung sino ang sasagot sa gastos kung mabangga ang motorsiklo at masaktan ang sakay nitong commuter at ang responsibilidad ng rider sa Angkas niya.
Ito at marami pang iba ang nais malinawan ng Korte Suprema bago nila payagan o tuluyang ipagbawal ang operasyon ng Angkas.
Dahil sa tindi ng trapiko sa ating bansa, isa ito sa agad na solusyon na nakikita ng mga ordinayong commuter.
Para sa mensahe o suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.