Pascua nakihati ng puntos sa 17th Asian Continental Chess Championships
IPINAGPATULOY ni Filipino International Master Haridas Pascua ang magandang paglalaro matapos makipaghatian ng puntos kay IM Novendra Priasmoro ng Indonesia sa ikalawang round ng 17th Asian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup) na ginaganap sa Tiara Oriental Hotel, Makati City.
Tangan ni Pascua, na kinakailangang mapataas ang kanyang Elo rating na 2442 sa 2500 para makumpleto ang kanyang GM title status, ang 1.0 puntos matapos ang ikalawang round at kasalo niya ang 30 iba pang manlalaro sa torneong may pahintulot ng World Chess Federation (FIDE).
Nabigo naman si Filipino IM Paulo Bersamina na maipagpatuloy ang kanyang magandang simula matapos matalo kay GM Nodirbek Abdusattorov ng Uzbekistan.
Si Pascua ay nakahirit din ng tabla kay GM Vidit Santosh Gujrathi (Elo 2701) ng India sa 36 moves ng Neo-Gruenfeld Defense sa unang round noong Lunes habang dinaig ni Bersamina si GM Le Quang Liem (Elo 2714) ng Vietnam matapos ang 36 moves ng Giuco Piano Opening.
Dahil sa natamong panalo ay nanguna si GM Abdusattorov sa grupo na may 2.0 puntos na kinabibilangan nina No. 2 GM Wei Yi (2728) ng China, No. 7 GM Ni Hua (2683) ng China, No. 8 GM S. P. Sethuraman (2664) ng India, No. 9 GM Nguyen Ngoc Truong Song (2641) ng Vietnam, No. 10 GM Lu Shanglei (2636) ng China, No. 11 GM Surya Shekhar Ganguly (2621) ng India, No. 12 GM Alireza Firouzja (2607) ng Iran at No. 57 FM Lik Zang Lye (2321) ng Malaysia.
Nakuha naman nina IM Jan Emmanuel Garcia at IM Oliver Dimakiling ang kanilang unang puntos matapos daigin sina FIDE Master Stephen Rome Pangilinan at IM Angelo Young sa ikalawang round.
Natalo naman sina WGM Janelle Mae Frayna, WIM Marie Antoinette San Diego, WIM Jan Jodilyn Fronda, WFM Cherry Ann Mejia at WCM Christy Lamiel Bernales sa kani-kanilang katunggali sa women’s division.
Ang top five sa men’s division ay aabante sa World Cup habang ang magkakampeon sa women’s class ay makakapasok sa Women’s World Championship tournament.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.