JM, Arci umaming may ‘nakaraan’, magsasama sa bagong teleserye
Ang #ProjectKapalaran ang next project ni JM de Guzman sa business unit ni Direk Ruel S. Bayani.
Nakatsikahan namin ang aktor sa ginanap na block screening ng “Kung Paano Siya Nawala” mula sa TBA Studios na ginanap sa Vertis North kamakailan.
May inaalok kasi kaming project para sa aktor pero sabi ng handler niya ay magiging abala na ang binata pagpasok ng 2019 dahil magsisimula na siyang mag-taping para sa bagong teleserye.
Nitong Miyerkules ng gabi ay ginanap na ang storycon ng #ProjectKapalaran kung saan makakasama niya si Arci Muñoz.
Ito’y pagpapatuloy ng kanilang tambalan pagkatapos nilang gawin ang pelikulang “Last Fool Show” na kinunan sa Boracay at idinirek ni Eduardo Roy. Inaasahang eere ang nasabing teleserye sa Pebrero, 2019.
Base sa nakita naming samahan nina JM at Arci na dumalo sa block screening ng “Kung Paano Siya Nawala”, maganda naman ang chemistry nila.
Sabi ng isang taga-Star Magic na kasama ng dalawang Kapamilya stars, “Naku, matagal na kasing magkaibigan ‘yang dalawang ‘yan kaya ganyan sila maglokohan. UP days pa.”
Sakto, nakita namin ang Instagram post ni JM kamakailan kung saan kasama niya sa litrato si Arci na may caption na, “Papssss. @ramonathornes akalain mong wala pa tayong pang UP Ikot nun. Ngayon may pelikula at soap tayo. o edi wow. rakenrol.??#LastFoolShow #ProjectKapalaran.”
Parehong nag-aral sa UP noon ang dalawa at dito na nabuo ang maganda nilang samahan.
Anyway, ayon naman sa panayam Push.com kay JM, “Dati nagtatrabaho kami as staff, behind the stage.
Kami ang mga utusan ng mga direktor para ayusin ang stage sa mga play sa UP. Sobrang dali, ang sarap niyang kalaro sa set. As in pag nasa set na kami, parang lang kaming naglalaro. Yung wall kasi wala na eh.”
Say naman ni Arci, “It’s not really work with him, it’s more of like a bonding. Kasi siguro matagal din siyang nawala. Ako talaga, I’m here to support everything and anything na gusto niyang gawin. He’s like a brother (to me), so I’m here to support him all the way.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.