Alaska Aces tatangkaing tapusin ang semis series vs Meralco Bolts
Laro Ngayong Sabado (November 17)
(Cuneta Astrodome)
6:30 p.m. Alaska vs Meralco
TULUYANG tapusin ang kanilang serye at makabalik sa Finals series ang hangad ng Alaska Aces kontra Meralco Bolts sa Game Four ng kanilang 2018 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals series Sabado ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Magsasalpukan ang Alaska at Meralco dakong alas-6:30 ng gabi para makabalik sa isang title series sa unang pagkakataon matapos ang mahigit dalawang season at maging unang koponan na nagpatalsik sa Bolts sa season-ending conference.
“Those guys play hard—they are tough, disciplined and well-coached,” sabi ni Alaska coach Alex Compton patungkol sa Bolts, na nagawang makalusot sa anim na knockout games sa kumperensiya at muling masasabak dito matapos na makalasap ng 104-102 pagkatalo sa kamay ng Aces sa Game 3 ng kanilang semis series noong Huwebes ng gabi.
“They (Bolts) will look at it as a KO game and we have to also look at it as a KO game,” sabi pa ni Compton na ang koponan ay pipiliting patalsikin ang Bolts at makabalik sa pangkampeonatong serye matapos na mabigo kontra Rain or Shine Elasto Painters noong 2016 Commissioner’s Cup Finals.
Dismayado naman si Meralco coach Norman Black matapos matalo ng dalawang sunod na laro at maghabol sa kanilang serye, 1-2, at hindi nito gusto na kakailanganin ng Bolts ng dalawang knockout game para makapasok sa title series.
“We don’t need to come into another do-or-die game just to play great again,” sabi ni Black matapos matalo sa Game 3 kung saan sumablay sila sa tatlong tira sa mga huling segundo ng laro para mabigong makapuwersa ng overtime.
Magpipilit naman si Meralco import Allen Durham na makabawi sa nasabing pagkatalo kung saan nagtala ito ng 37 puntos at 13 rebound sa Game 3.
Maliban sa dalawang pagkakataon para tapusin ang kanilang serye, angat din sa manlalaro ang Alaska.
Kulang sa tao ang Meralco bunga ng iba’t ibang injury sa mga pangunahing manlalaro nito subalit naniniwala naman si Compton na ang pagod ay hindi magiging dahilan kahit na umabot ang kanilang serye sa isang do-or-die semifinals game sa Lunes.
“I don’t think anybody is going to use that as an excuse,” sabi pa ni Compton. “You’ll be tired after the season, but not after a game. There’s a bunch of warriors in both uniforms (in this series).”
Ang magwawagi sa kanilang serye ay aabante para makasagupa ang Magnolia Hotshots sa isang best-of-seven title series.
Tinapos ng Magnolia ang paghahari ng Barangay Ginebra Gin Kings matapos manaig, 112-108, sa Game Four ng kanilang semis series Biyernes ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagtala si Romeo Travis ng 50 puntos at 13 rebound para pangunahan ang Hotshots na nakopo ang unang Finals berth.
Gumawa si Justin Brownlee ng 32 puntos para pamunuan ang Gin Kings.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.