NASAWI ang isang kawal nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang New People’s Army sa General Nakar, Quezon, nitong Linggo.
Nakilala ang nasawi bilang si Pvt. James Lanes, residente ng Sultan Kudarat at nakatalaga sa 92nd Infantry Battalion, sabi ni Capt. Patrick Jay Retumban, tagapagsalita ng Army 2nd Infantry Division.
Unang nakasagupa ng mga miyembro ng 92nd IB ang di mabatid na bilang ng miyembro ng Platoon 4A2, Guerilla Front Cesar, NPA Southern Tagalog Regional Party Committee, sa Sitio Dadyangao, Brgy. Umiray, alas-10:40 ng umaga, aniya.
Tumagal nang 20 minuto ang bakbakan, kung saan napatay si Lanes, bago umatras ang mga rebelde, ani Retumban.
Muling nagkabakbakan alas-11:45 sa Sitio Madaraki nang abutan ng mga kawal ang mga rebelde, aniya.
Tumagal nang 15 minuto ang pangalawang sagupaan, kung saan walang naiulat na casualty sa magkabilang panig, ani Retumban.
Nagsagawa ng operasyon ang mga kawal sa Brgy. Umiray matapos makatanggap ng impormasyon na may mga rebeldeng nanghihingi ng bigas at pera sa mga miyembro ng tribong Dumagat doon, sabi ni Lt. Col. Christopher Diaz, commander ng 92nd IB.
Nagpapatuloy ang pagtugis sa mga rebelde, na tila nauubusan na ng bala, pagod, at may mga sugatang kasama, sabi ni Brig. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, commander of the 202nd Brigade.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.