Phoenix nasungkit ang No. 2 spot, twice-to-beat edge sa quarterfinals
SINANDALAN ng Phoenix Fuel Masters ang kanilang local star players sa huling yugto ng laro para talunin ang Blackwater Elite, 97-91, at makubra ang No. 2 spot sa quarterfinals sa kanilang huling 2018 PBA Governors’ Cup elimination round game Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Nagsanib puwersa sina Calvin Abueva at Matthew Wright sa pag-iskor ng tig-10 puntos sa ikaapat na yugto para tulungan ang Phoenix na mapigilan ang Blackwater at makubra ang ikalawang puwesto na may twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals.
Sinandalan din ng Fuel Masters ang kanilang depensa sa krusyal na bahagi ng laban maliban pa sa mga krusyal na mga tira nina Abueva at Wright.
“I told them during the halftime break that you have to take pride with your defense,” sabi ni Phoenix head coach Louie Alas. “It was all about the defense.”
Nagtapos si Abueva na may game-high 25 puntos na sinamahan niya ng walong rebound at isang steal. Naghulog din siya siya ng dalawang free throws sa huling 10.5 segundo ng laro para maselyuhan ang panalo ng Phoenix.
Kumana naman si Wright ng 23 puntos, pitong rebound at limang assist habang nag-ambag si Eugene Phelps ng 16 puntos, 19 rebound at limang assist para sa Fuel Masters.
Sinayang naman ng Blackwater ang tsansa nitong makakuha ng twice-to-beat advantage matapos mawala ang itinayo nitong siyam na puntos na kalamangan sa ikatlong yugto. Makakasagupa ng fifth seed na Elite ang Magnolia Hotshots, na hawak ang twice-to-beat edge.
Nagtala si Henry Walker ng 21 puntos at 12 rebound para pamunuan ang Blackwater.
Samantala, naselyuhan ng Barangay Ginebra Gin Kings ang No. 1 spot sa quarterfinals matapos patalsikin ang TNT KaTropa Texters, 112-93.
Makakatapat ng twice-to-beat na Gin Kings ang NLEX Road Warriors sa quarterfinal round na magsisimula ngayong Martes sa Big Dome.
Makakaharap naman ng Phoenix ang Meralco sa kanilang quarterfinals matchup na gaganapin Miyerkules sa Cuneta Astrodome.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.