Pre-shipment inspection ibalik sa Bureau of Customs! | Bandera

Pre-shipment inspection ibalik sa Bureau of Customs!

Jake Maderazo |November 05,2018
facebook
share this

Pre-shipment inspection ibalik sa Bureau of Customs!

Jake Maderazo - November 05, 2018 - 12:15 AM

MARAMING argumento ang lumipad matapos ideklara ng Pangulo ang planong “military takeover” sa Bureau of Customs.
Kahit daw malilinis na tao ang ilagay sa bureau, ang mga corrupt na opisyal at ilang empleyado pa rin ang nagmamaniobra.
Mas mainam daw ang mga sundalo dahil hindi sila corrupt bukod sa disiplinado.
Kumontra agad ang mga taga-oposisyon at sinabing labag sa Saligang Batas ang paglalagay ng mga sundalo sa civilian positions.
Naglagay na raw si Duterte ng dalawang dating sundalo, pero lumusot ang mga shabu at patuloy ang smuggling. Bukod dito, walang alam ang militar sa mga “teknikal na aspeto” sa mga pantalan, partikular sa pagpasok at paglabas ng mga imported goods.
Nitong Miyerkules, nilinaw ng Malacanang na intimdation lang o gusto lang takutin ni Duterte ang mga corrupt sa Customs kaya niya sinabi ang military takeover.
Pero, ayon naman kay Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin, ilang dekada nang civilian authority ang namamayagpag sa Bureau of Customs, at panahon na raw na subukin ang militar para masawata ang smuggling, prtikular na ang shabu.
Kung tutuusin, hindi lang taga-Customs ang may kasalanan dito, kundi ang mga negosyanteng naglalagay para mapabilis ang kanilang kargamento.
Nariyan din ang “shabu smugglers” na nagbabayad sa mga tiwaling opisyal at kawani ng Customs, PNP, AFP, Department of Finance, PPA at DOTR para makalusot ang kanilang kontrabando.
Tingnan ninyo ang nangyayari: wala pang nakulong na Customs official, wala ring naparusahang importer o Customs broker kahit bilyun-bilyong piso na ang pumapasok na ilegal na droga.
Paano ka namang hindi mabubuwisit niyan?
Marahil kaya gusto ng pangulo ng “takeover” sa Customs para diretso nang ikulong ang mga negosyanteng naglalagay at mga tumatanggap ding opisyal ng gobyerno. Ang problema, labag nga ito sa Saligang Batas. Kapag naglagay ng sundalo sa lahat ng pwesto, windang ang port operations at tiyak na iiral na naman ang port congestion.
Kaya naman, hindi ako masyadong umaasa na may gagawing kakaiba o mas maganda itong si bagong Customs chief Rey Guerrero.
Kung ako ang tatanungin, ang dapat gawin ng pangulo dito o ni Customs chief Gurrero ay maghirang ng mga “trusted” at mas malilinis na career Customs officers.
Marami pa naman diyan at ika nga, mga taga-loob na gagawing deputy commissioners na pipili naman ng mga malilinis ding port collectors.
Ito’y para hindi masira ang regular na workflow at koleksyon ng buwis sa naturang tanggapan. Bukod diyan, magtayo siya ng malakas na “counter-intelligence” para madakip ang mga importers, traders at Customs insiders na sangkot sa katiwalian. At para maiwasan ang mga malakihang importasyon ng shabu at iba pang smuggling, ibalik natin ang mga “international third party inspection companies” na magsasagawa ng “pre-shipment inspection” sa mga port of origins bago maglayag patu-ngong Pilipinas.
Nariyan ang dating SGS ng Switzerland noong Edsa revolution, o kaya’y Bureau Veritas, Asia Inspection, Intertek at marami pang pagpipilian. Dito takot ang mga taga-Customs dahil mawawalan sila ng kita. Kahit magbayad tayo ng P10 bilyon kada taon kung mawawala o mababawasan naman ang smuggling.
Pero, siyempre, hindi ito aaprubahan ng Kongreso at Department of Finance at mga taga-Malacanang. Alam ninyo ba kung bakit? Masisira ang delihensya at “cash cow“ nilang lahat.

Para sa komento o tanong, mag-email sa [email protected].

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending