‘Big man’ sa gobyerno protektor ng ‘drug queen’-PDEA
SINABI ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na isang maimpluwensiyang tao sa gobyerno ang umano’y nagsisilbing protektor ng tinaguriang “drug queen” na si Yu Yuk Lai at kanyang anak na babae na si Diana Yu Uy.
Ito’y matapos namang ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch 49 ang kasong droga laban kay Uy at ipinag-utos na palayain ito mula sa pagkakakulong noong Oktubre 25.
“Noong umpisa pa lang, sabi ko may malaking tao na tumutulong kay Yu Yuk Lai at Diane Uy,” sabi ni Aquino sa panayam ng Radyo Inquirer.
Tumanggi namang pangalanan ni Aquino ang umano’y protektor. Idinagdag ni Aquino na ayaw ring itong pangalanan ng isa sa mga testigo niya.
Iginiit naman ni Aquino na alam nito na siya ang kanyang tinutukoy.
“Yes, someone from the government. Katatapos lang namin hulihin, nakikialam na,” ayon pa kay Aquino.
Tiniyak naman ni Aquino na iaakyat ng PDEA ang kaso laban kay Uy hanggang Korte Suprema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.