BUMIYAHE kahapon ang unang tren na gawa ng Chinese company na CRRC Dalian matapos matiyak na ligtas gamitin.
Ipinasok sa operasyon ng Metro Rail Transit 3 ang tren, na may tatlong bagon, matapos pumasa sa Independent Safety Audit and Assessment na isinagawa ng TUV Rheinland, isang ISO 17020 at 17025 certified German company.
Pinangunahan nina Transportation Sec. Arthur Tugade at iba pang opisyal ng DoTr-MRT3 ang pagsakay na nakipagkuwentuhan sa mga pasahero upang malaman kung paano mapagaganda ang serbisyo nito.
Bumiyahe ang mga opisyal mula sa North Avenue station hanggang Taft Avenue station.
Mayroong 48 tren na binili ang Aquino administration sa Dalian subalit hindi ito kaagad na nagamit matapos na makuwestyon ang kaligtasan nito. Dumating ito sa bansa mula Setyembre 15, 2015 hanggang Enero 2017.
Nakipagtulungan ang CRRC Dalian sa Toshiba Infrastructure Systems mula noong Hulyo 2018 upang maiayos ang puna ng TUV Rheinland.
Umaabot lamang sa 15 tren ng MRT ang bumibiyahe kaya humahaba ang pila sa mga istasyon at siksikan ang mga tren.
Ayon sa MRT, unti-unting ipapasok sa sistema ang mga Dalian train na isa-isang sasalang sa pagsusuri kabilang ang pagpapatakbo rito ng hindi bababa sa 1,000 kilometro.
Pumasok na rin ang DoTr-MRT3 sa Sumitomo and Mitsubishi Heavy Industries para sa rehabilitasyon ng mga lumang tren.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.