SILA ang mga atletang may kapansan na tila walang kapansanan.
Kung tutuusin ay wala tayong sinabi kumpara sa kanila hindi lang sa larangan ng isports kundi sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Sila ang mga tunay na bayani sapagkat pinatunayan nilang kaya nilang malusutan ang mga pagsubok dala ng kanilang mga kapansanan.
Hinahangaan ko sila. Saludo ang Peks Man kina Arthus Bucay (cycling), Kim Ian Chi (bowling), Ernie Gawilan (swimming) at sina Redor Menandro, Israel Peligro, Sander Severino at Henry Lopez ng chess na kumuha ng mga gintong medalya sa 2018 Asian Para Games sa Indonesia.
Pinagmamalaki rin ng Pilipinas sina Gary Bejino, Samuel Matias, Achele Guion, Roger Henry, Josephine Medina, Adeline Ancheta, Gary Bejino, Arthus Bucay, Francis Ching, Rodolfo Sarmiento, Jasper Rom, Arman Subaste at Godfrey Taberna.
Nais kong idiin na hindi lamang ang nagbulsa ng medalya ang dapat nating papurihan kundi ang lahat ng delegasyon ng Pilipinas sa paligsahan na karaniwang ginagawa matapos ang Asian Games.
Ganito rin ang sitwasyon sa 2020 Tokyo Olympics. Gagawin ang Paralympics matapos ang bakbakan sa Tokyo kung kaya’t asahan na hindi pahuhuli ang mga Pinoy laban sa pinakamahuhusay na Paralympians sa mundo.
Kapuri-puri rin ang suporta ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Butch Ramirez sa mga atletang may kapansanan. Syempre, may cash gift din ang mga medal winners sa Asian Para Games.
Ito ay ayon sa Republic Act 10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act of 2001.” Gagawin ang pormal na seremonya Nobyembre sa Malakanyang.
Ayon kina PSC Commissioners Arnold Agustin, Celia Kiram at Charles Maxey nararapat lamang na sundin kung ano ang nakalagay sa batas.
Salamat din sa suporta ni Philippine Paralympic Committee President Michael Barredo na nawala ang paningin matapos ang aksidente sa kotse noong siya ay estudyante pa.
“Our medalists will be the first recipients of the R.A. 10699, in the Asian Para Games level. We express our sincerest gratitude to the government and the PSC for its intensive support for our para-athletes,” sabi ni Barredo.
Tumpak din si Agustin, oversight commissioner ng para athletes, sa pagsasabing magsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino ang ginawa ng mga nasyonal.
Ayon sa opisina ni press office chief Malyn Mamba, nakasaad sa Section 8 ng batas na inisponsoran ni Sen. Sonny Angara, tatanggap ng tumataginting na P1 milyon ang mga gold medalists, P500,000 sa silver medalists at P200,000 sa bronze medalists.
May espesyal na pabuya ang makagawa ng bagong marka tulad ng swimmer an si Gawilan na sinira mg dalawang beses ang Asian Para Games swimming record sa men’s 400m freestyle finals.
Nahigitan ng delegasyon ang nakuha ng Pilipinas noong 2014 Incheon Asian Para Games na 5 pilak at 5 tanso matapos iuwi ang 10 ginto, 8 pilak at 11 tanso tungo sa ika-11 puwesto overall sa Indonesia. Lumahok sa labanan ang 43 bansa.
Lodi namin kayo!
GAB may pinaghahandaan
Naghahanda ang Games and Amusements Board sa pamumuno ni dating Palawan Gov. Baham Mitra sa nalalapit na World Boxing Council Asian Summit at women’s world convention na gagawin Nobyembre 16-20 sa Philippine International Convention Center.
Sa ilalim ni Baham ay malaki na ang ipinagbago sa ahensya na siyang namamahala sa mga propesyonal sports sa bansa kabilang siyempre pa ang boksing.
Huwag magtaka kung maging matagumpay ang 3-in-1 event na ito.
Tatak Mitra kasi!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.